Martin1

Speaker Romualdez: Mga Pinoy makikinabang sa Marcos-Biden meeting

Mar Rodriguez Apr 27, 2023
183 Views

KUMPIYANSA si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na makikinabang ang mga Pilipino sa nakatakdang pagpupulong nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at US President Joe Biden partikular sa pagpaparami ng mga negosyo sa Pilipinas na lilikha ng mapapasukang trabaho.

Nasa Amerika na si Speaker Romualdez upang ilatag ang mga hakbang na bahagi ng preparasyon sa pagdating doon ni Pangulong Marcos. Nakipagpulong din si Speaker Romualdez sa mga mambabatas sa Amerika upang pag-usapan ang lalo pang pagpapalakas ng kooperasyon sa depensa at seguridad at pagpapalawak ng economic partnership ng dalawang bansa.

“The meeting between President Marcos and US President Biden will further reinforce the robust long-term bilateral relations between the Philippines and the United States and I am confident it would redound to huge dividends for our country in terms of security and increased economic cooperation, among others,” sabi ni Speaker Romualdez.

Kasama sa mga nakapulong ni Speaker Romualdez sina US Speaker Kevin McCarthy, US House Majority Leader Steve Scalise, at Representatives Young Kim, Mike Rogers, Darrell Issa, Ami Bera, at Chris Stewart.

Sa isang pahayag, sinabi ni US State Department na muling pagtitibayin ni Pangulong Biden ang pangako ng Estados Unidos na ipagtatanggol ang Pilipinas. Tatalakayin din umano ng dalawang Pangulo ang pagpapatatag ng alyansa ng Amerika at Pilipinas.

Nauna ng sinabi ni Pangulong Marcos na hihilingin nito ang pagrepaso at pagsuri sa mga pangako sa ilalim ng 70-taong Mutual Defense Treaty sa pagitan ng dalawang bansa at ang pagpapatuloy nito ng angkop sa kasalukuyang panahon partikular sa mga nangyayari sa Indo-Pacific region.

“Security and stability are indispensable ingredients for continued economic growth and prosperity. An improved iron-clad alliance between the two countries would greatly contribute to the realization of President Marcos’ vision for sustained economic growth that would provide jobs and livelihood for the Filipinos,” ani Speaker Romualdez.

Bilang bahagi ng kasunduan ng dalawang bansa, nakatatanggap ang Pilipinas ng defense assistance gaya ng military training at mga kagamitan sa pakikipagdigma mula sa Amerika

Mula 2002 hanggang 2021, natanggap ang Pilipinas ng US$1.8 bilyon tulong sa ilalim ng Mutual Defense Treaty gaya ng modernong kagamitan at pagsasanay sa maritime security, counter-terrorism, anti-narcotics, anti-human trafficking, humanitarian assistance and disaster response, at kahandaan sa chemical, biological, radiological, at nuclear incident.

Bukod sa usaping pangseguridad, inaasahan na pag-uusapan nina Marcos at Biden ang mga oportunidad upang mapalalim ang kooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng ekonomiya.

Ayon kay Speaker Romualdez nananatiling malaking “strategic trading and investment partner” ng Pilipinas ang Amerika.

Noong 2021, ang Estados Unidos ang ikatlong pinakamalaking trading partner ng Pilipinas, top export market, at ikalimang pangunahing pinanggagalingan ng imported products. Ang Pilipinas naman ang ika-30 pinakamalaking trade partner ng Amerika.

Ang Estados Unidos din ang ika-limang pangunahing pinanggagalingan ng foreign investment ng Pilipinas noong 2021. Sila ay namuhunan sa larangan ng IT-BPM, electronic, real estate, construction, transportasyon at storage.

Bukod sa pakikipag-usap sa mga mambabatas sa US, si Speaker Romualdez at kanyang delegasyon ay nakipag-usap din sa mga negosyante sa Amerika upang himukin ang mga ito na mamuhunan sa Pilipinas.

“With our strong economy, we invited the US to increase and expand its investments,” sabi ni Speaker Romualdez.

Kasama rin si Speaker Romualdez sa pagharap ng economic team ni Pangulong Marcos sa 2023 World Bank Group-International Monetary Fund (WBG-IMF) Spring Meetings.

“Now the congressional delegation of the House leadership is engaging their counterparts in the US Congress. We are working all out with our strong message to come to the Philippines and invest there,” sabi ng lider ng Kamara.

Kasama sa delegasyon ni Speaker Romualdez sina House Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, House Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Navotas City Rep. Tobias “Toby” Tiangco, Agusan del Norte 1st District Rep. Jose “Joboy” S. Aquino II, Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” del Gallego Romualdez, House Secretary General Reginald “Reggie” Velasco, at House Sergeant-at-Arms PMGEN. Napoleon Taas.

“In addition to increased investments, our economy would profit from the expected assistance the US can provide us in combatting the effects of climate change. This would help in our efforts not only to improve food security but also in mitigating the effects of global warming,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Inaasahan na mapag-uusapan sa pakikipagpulong ni Pangulong Marcos sa mga opisyal ng Amerika ang “green bond” o ang financial instrument na gagamitin upang matugunan ang mga isyu kaugnay ng climate change at ang pagbabawas ng carbon emissions.