DBM

DBM ginagamit sa scam, publiko binabalaan

141 Views

NAGBABALA ang Department of Budget and Management (DBM) sa publiko laban sa mapagsamantala indibidwal na nagpapanggap umanong empleyado nito at nangangako na mabilis at siguradong transaksyon kapalit ng porsyento ng halagang inilalakad sa ahensya.

Naninindigan ang DBM sa integridad at katapatan ng mga proseso at transaksyon na pinaiiral nito alinsunod sa mga batas, alituntunin at regulasyon, kaugnay ng pagpapalabas ng pondo ng taumbayan.

Tinukoy ng DBM na ang pagsusumite ng mga request para sa Local Government Support Fund–Financial Assistance (LGSF-FA) to Local Government Units (LGUs) ay sa pamamagitan lamang ng Digital Requests Submission for Local Government Support Fund (DRSL) na makikita sa DBM Apps Portal at ang lahat ng dokumentong isusumite sa ibang paraan ay awtomatikong hindi tatanggapin.

Ang DBM ay makikipagtransaksyon lamang sa mga local chief executive ng bawat local na pamahalaan sa layong maiwasan ang maling representasyon ng mga scammer, middlemen, fraudulent individuals, o organized groups.

Binigyan-diin ng DBM na hindi nito kinukunsinti at hindi kailanman magbibigay ng awtorisasyon sa kahit sinong indibidwal o grupo para humingi ng pera, goods o pabor kapalit ng pinabibilis na mga transaksyon, dahil malinaw itong paglabag sa batas na may katapat na parusa.

Hinihikayat ng DBM ang publiko na maging maingat at mapanuri sa pagtanggap ng mga alok na tulong upang hindi maging biktima ng panloloko at sakaling may impormasyon hinggil sa katulad na ilegal na aktibidad ay agad isumbong sa ahensya sa numerong (02) 865-7-3300.

Nanawagan naman ang DBM sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) na palakasin pa ang kampanya nito laban sa mga fixer at manloloko.