Magsino

OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” Magsino ikinababahala ang pamamayagpag ng human trafficking sa bansa

Mar Rodriguez Jul 10, 2023
264 Views

IKINABABAHALA ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang patuloy na pamamayagpag ng human trafficking sa bansa sa kabila ng maigting na kampanya ng pamahalaan laban dito. Ito ay matapos ang isinagawang raid ng mga awtoridad sa isang human trafficking den sa Las Pinas.

Binigyang diin ni Magsino na ang nangyaring raid sa Las Pinas na ikinasa ng National Bureau of Investigation (NBI) ay naglalarawan kung gaano kapangahas umano ang sindikatong nag-ooperate ng human trafficking sa Pilipinas bagama’t natimbog ang nagpapatakbo ng human trafficking den.

Gayunman, sinabi ni Magsino na ikinababahala parin nito ang lumalaking operasyon ng human trafficking sa bansa sa kabila ng malawakang kampanya ng gobyerno laban dito. Subalit mistulang hindi aniya nasisindak ang mga sindikatong nasa likod ng nasabing illegal na gawain.

Dahil dito, umaasa si Magsino na mapapasama sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang kaniyang mensahe para sa mga awtoridad na mas lalo pang paigtingin ang kampanya at pagsawata sa problema ng human trafficking.

Iginigiit din ng OFW Party List Lady solon na kailangang mas lalo pang maging masigasig ang pamahalaan sa pagtugis sa mga taong nag-ooperate ng human trafficking sa Pilipinas kabilang na ang illegal recruitment sa tulong ng NBI at Philippine National Police (PNP).