Adiong

Senado walang napala sa imbestigasyon sa PI

Mar Rodriguez Feb 16, 2024
152 Views
WALANG napatunayan sa tatlong pagdinig na isinagawa ng Senado kaya panahon na umano upang tigilan na nito ang isinasagawang witch hunt sa People’s Initiative (PI) na naglalayong amyendahan ang Konstitusyon.
Ayon kay Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong mismong mga testigo na pinahirap ng Senado ang nagsabi na wala silang natanggap na suhol para pumirma kaya lumalabas na ginagawan lamang ng kuwento ang PI upang maging masama ang imahe nito.
Ang dapat umanong gawin ng Senado ngayon ay buhusan ng atensyon para agad na maaprubahan ang Resolution of Both Houses (RBH) No.6 na naglalayong amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
“Naka-tatlong hearing na ang Senado dito pero hanggang ngayon, wala pa ring testigo na nagsasabing binayaran sila kapalit ng kanilang pirma. Mismong mga testigo ng mga senador ang umamin na wala silang natanggap na suhol sa prosesong ito,” sabi ni Adiong.
“Kahit yung mga testigong tinatakot ng mga senador, naninindigan na wala silang perang ipinamigay sa pagkuha ng pirma,” dagdag pa nito.
“Masyadao na pong bumababa ang ating oras para maipasa ang RBH No.6 sa itinakdang deadline ng Senado na Marso ngayong taon. Is the Senate willing to embarrass President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. with it’s hard-headed approach on constitutional revision? Sagutin na lang nila ito para magkaalaman na, tama na ang mapanakit at matutulis na pahayag,” saad pa nito.
Sa isyu na mayroon umanong mga napilit na pumirma sa PI petition, sinabi ni Adiong na ang pinakamagandang gawin ay hayaan ang Commission on Elections (Comelec) na gawin ang trabaho nito.
“The Senate should now stop the investigation and allow the Comelec to do its work. The Comelec is the proper agency to investigate if there is anomaly in the process of signature gathering. The poll agency is mandated to verify the signatures, as prescribed in the Constitution itself,” wika pa ni Adiong.
Gaya sa isang eleksyon, sinabi ni Adiong na ang Comelec ang makapagsasabi kung mayroong naganap na iregularidad sa pangangalap ng pirma.
“Hindi naman ibig sabihin na kung may irregularity sa ilang lugar, invalidated na agad ang buong eleksyon. Kaya nga po may proseso tayong sinusunod at walang kinalaman ang Kongreso sa prosesong ito,” punto pa ni Adiong.
Ayon pa sa mambabatas hindi dapat pulitikahin ang pagbawi ng pirma.
“Sa pagbawi ng mga pirma, sana lang ay gawin ito nang kusang-loob ng mga mamamayan at hindi dahil tinakot o binayaran sila. Igalang natin ang buong proseso at hayaan ang malayang kapasyahan ng mga mamamayan,” sabi pa ng mambabatas.