Pangandaman Budget Secretary Amenah F. Pangandaman

Agarang pagrelis ng indigent senior pension iniutos ni Sec. Pangandaman

94 Views

MASAYANG inanunsyo ni Budget Secretary Amenah F. Pangandaman na sa unang buwan pa lamang ng kasalukuyang taon ay narelis na ng kanyang departamento — ang Department of Budget and Management (DBM) — ang kabuuang P49.807 bilyon na badyet para sa pension ng mga indigent senior citizens.

Ayon kay Pangandaman, ito ay halos doble ng badyet ng mga nakaraang taon na umabot lamang ng P25 bilyon na alokasyon taun-taon.

Paliwanag ni Pangandaman, sa ilalim ng administrasyong Marcos, magiging doble na ang buwanang pension para sa mga mahihirap na seniors, mula limang daang piso ito ay magiging isang libong piso na kada buwan.

Binigyang diin ni Pangandaman na tinatayang higit apat na milyon ang bilang ng mga indigent senior citizens na makikinabang dito.

Aniya, umaasa ang administrasyong Marcos na makatutulong kahit papaano ang karagdagang pension lalo na’t karamihan sa mga kapos-palad na seniors ay walang suportang natatanggap mula sa kanilang mga kaanak.

Sinabi pa ni Pangandaman na malaking tulong ang cash aid sa mga matatanda na wala namang inaasahan at walang regular pensyon na natatanggap para sa kanilang pang araw-araw na gastusin.

Dagdag din ni Pangandaman na ang agarang pagrelis ng pondo ay tugon ng kanilang kagawaran sa mahigpit na bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na bigyang pagkalinga ang mga senior citizen.

Ayon pa kay Pangandaman, ang pagbibigay ng social pension sa mga indigent senior ay nagtitiyak kahit paano na maibsan ang kanilang gutom at matiyak na hindi sila nababalewala o naabuso, bagkus ay natutugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Sambit pa ni Pangandaman na ito rin ay pagtugon sa adhikaing “Bagong Pilipinas” ni Pangulong Marcos Jr., kung saan tinitiyak ng pamahalaan na walang maliliit na mamamayang Pilipino ang maiiwanan at mapapabayaan.