Martin2 Ipinahayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kasama ang mga rice traders, ang layuning maging abot-kaya ang presyo ng bigas, sa press conference Lunes ng umaga sa Manila Golf and Country Club sa Makati City. Kasama rin sina Committee on Appropriation Chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, Committee on Agriculture Chairman at Quezon Rep. Mark Enverga, Deputy Majority Leader (for communication) at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo, Acting-National Food Authority (NFA) Administrator Larry Lacson, Philippine Industry Stakeholders Movement (PRISM) Founder at lead convenor Rowena Sadicon at Co-founder Orly Manuntag. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez nagpasalamat sa rice traders na tutulong mapababa presyo ng bigas

88 Views

Martin3Martin4Martin5NAGPASALAMAT si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pangako ng isang malaking grupo ng rice traders na makikiisa upang mapababa ng P9 ang kada kilo ng bigas sa susunod na buwan.

Ang hakbang ay bilang pakikiisa sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa hangarin na maging abot-kaya ang presyo ng bigas sa merkado.

Ayon sa grupo ng local traders, mabibili ang bigas sa pagitan ng P42 hanggang P49 kada kilo sa pagpapatupad ng mas mababang taripa sa imported na bigas.

Sa pagtaya, inaasahang ang presyo ng bigas pagsapit ng Hulyo at Agosto ay nasa P45-P46 ang kada kilo ng well-milled rice na kalimitang kinokonsumo ng mga ordinaryong Pilipino, samantalang ang premium rice na 5 percent broken ay nasa P47 hanggang P48 ang halaga.

“Your commitment to making affordable rice accessible to our people is greatly appreciated,” ayon sa pahayag ni Speaker Romualdez sa rice traders at importers matapos ang pakikipagpulong.

“This collaborative effort showcases our shared dedication to the welfare of every Filipino. Your actions are a testament to what we can achieve when we work together for the common good,” sabi pa nito.

Kabilang sa dumalo sa pulong sina Rowena Sadicon, ang founder at lead convenor ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM), at ang co-founder na si Orly Manuntag na siya ring tagapagsalita ng GRECON (Grain Retailers Confederation of the Philippines).

Dumalo rin sina National Food Authority (NFA) officer-in-charge Administrator Larry Lacson, House committee on appropriations Chairman Zaldy Co, House committee on agriculture and food Chairman Mark Enverga at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo.

Ipinabatid nina Sadicon at Manuntag sa mga kongresista na ang kanilang hakbang ay bilang tugon na rin sa panawagan ni Pangulong Marcos Jr. at Speaker Romualdez na sama-samang tugunan ang problema ng mataas na presyo ng bigas.

Sinabi nina Sadicon at Manuntag na nagkasundo ang kanilang mga kasapi na iparamdam sa publiko ang pagbaba ng presyo ng bigas kapag naipatupad na ang mas mababang taripa.

“Handa po kaming tumulong sa gobyerno para maramdaman agad ng mga kababayan namin ang magandang epekto ng pagbaba ng tariff sa bigas,” ayon kay Manuntag.

“We are one with the government in this campaign. Tulong-tulong po tayong lahat para masiguro na ‘yung reduction ng tariff, magre-resulta sa mababang presyo ng bigas sa merkado,” dagdag pa ni Sadicon.

Mula nang tumaas ang presyo ng bigas sa mahigit P50 kada kilo noong nakaraang taon, masigasig na naghahanap ng solusyon ang pamahalaan upang gawing mas abot-kaya ang bigas.

Kasama sa mga pagsisikap ang pag-aaral ng mga pagbabago sa patakaran, pakikipag-ugnayan sa mga sektor ng industriya, at pagpapatupad ng mga programang nagpapatatag ng merkado.

Personal ding ininspeksyon ni Speaker Romualdez ang mga bodega noong nakaraang taon upang makita ang mga nakaimbak na bigas. Ang hakbang ay upang malaman kung may nagtatago ng suplay, at mailabas ito sa pamilihan para maibsan ang kakulangan at mapababa ang presyo.

Kamakailan ay naglabas naman ng Executive Order No. 62 ang Pangulong Marcos na nagbaba sa buwis na ipinapataw sa imported na bigas sa 15 porsyento mula sa dating 35 porsyento.

Binigyang diin pa ng pinuno ng Kamara na ang pagbaba ng taripa sa inaangkat na bigas at ang direktang pagbebenta ng pamahalaan ng inaangkat na bigas sa pamamagitan ng mga Kadiwa center ay dapat na magpababa nang malaki sa retail na presyo ng bigas.

“This decisive move by President Marcos underscores the administration’s unwavering commitment to food security and affordability,” ayon sa mambabatas.

Sinabi pa ni Speaker Romualdez na ang pagsisikap na ito ay naaayon sa layunin ng administrasyon na gawing abot-kaya at accessible ang mga pangunahing pagkain para sa lahat ng Pilipino.

Bago pa man ang direktiba ng Pangulo, nakipagpulong na rin si Speaker Romualdez sa mga pangunahing ahensya ng pamahalaan at stakeholders upang makabuo ng komprehensibong paraan upang malunasan ang mataas na presyo ng bigas.

Tiwala rin ang mambabatas na ang mababang taripa ay makatutulong na mabawasan ang presyo ng imported rice, habang ang matitipid na halaga ay mapapakinabangan ng mga mamimili.

“This is not just a whole-of-government approach, but a whole-of-nation approach,” giit pa ni Romualdez, kasabay na rin ng pagtiyak sa publiko na ang epekto ng mas mababang taripa ay posibleng maramdaman bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa ika-22 ng Hulyo.

“We want this to happen as soon as possible. That’s why we’ve been meeting and pushing for immediate action. Hindi pwede na aantok-antok tayo, patulog-tulog lang, we have to be always on the ball,” ayon kay Speaker Romualdez.

Binigyang-diin pa ni Speaker Romualdez ang agarang tugon na maibaba ang presyo ng bigas, na araw-araw na pasanin ng mga Pilipino.

“Every day, as every Filipino family has to purchase, let’s say, two kilos of rice, we know and we can feel the hardships of our fellow Filipinos,” ani Speaker Romualdez.

“That’s why we’ve sprung into action. We want to meet this head-on. It would be highly desirable for this to happen even before the SONA, and I don’t think it’s impossible. We will all work together to make it happen as soon as possible,” dagdag niya.

Tiniyak din ng lider ng Kamara de Representantes ang suporta ng pamahalaan sa mga lokal na magsasaka upang mapabuti ang kanilang produksyon, lalo’t may sapat na pondo ang gobyerno upang maipatupad ang mga programa.

Ayon kay Co, may P22 bilyon ang nakalaang pondo rito ng pamahalaan sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund.

Bukod pa rito, binanggit din ni Speaker Romualdez ang pangmatagalang programa ng pamahalaan upang sumigla ang local rice production, tulad ng solar irrigation, fertigation at pagsasama-sama ng flood control funds para magamit sa irigasyon, hydropower at bulk water.

Dagdag pa rito, sinabi ni Lacson na patuloy din ang NFA sa pagbili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka sa kompetitibong presyo na mula P29 hanggang P31 kada kilo, upang mabawasan ang posibleng negatibong epekto ng mas murang imported na bigas.