Calendar
Proyektong 24/7 courts ng DOT, suportado ng House Committee on Tourism
𝗦𝗨𝗣𝗢𝗥𝗧𝗔𝗗𝗢 𝗻𝗴 c𝗵𝗮𝗶𝗿𝗺𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗛𝗼𝘂𝘀𝗲 𝗖𝗼𝗺𝗺𝗶𝘁𝘁𝗲𝗲 𝗼𝗻 𝗧𝗼𝘂𝗿𝗶𝘀𝗺 𝗻𝗮 𝘀𝗶 𝗥𝗼𝗺𝗯𝗹𝗼𝗻 𝗟𝗼𝗻𝗲 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗘𝗹𝗲𝗮𝗻𝗱𝗿𝗼 𝗝𝗲𝘀𝘂𝘀 “𝗕𝘂𝗱𝗼𝘆” 𝗙. 𝗠𝗮𝗱𝗿𝗼𝗻𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗯𝗮𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗽𝗿𝗼𝘆𝗲𝗸𝘁𝗼 𝗻𝗴 𝗗𝗲𝗽𝗮𝗿𝘁𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗼𝗳 𝗧𝗼𝘂𝗿𝗶𝘀𝗺 (𝗗𝗢𝗧) 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗺𝗮𝗺𝗮𝗴𝗶𝘁𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝘁𝗮𝘁𝗮𝘆𝗼 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝟮𝟰/𝟳 𝘁𝗼𝘂𝗿𝗶𝘀𝘁 𝗰𝗼𝘂𝗿𝘁𝘀 𝘀𝗮 𝗶𝗯𝗮’𝘁-𝗹𝘂𝗴𝗮𝗿 𝘀𝗮 𝗯𝗮𝗻𝘀𝗮 𝗻𝗮 𝗻𝗮𝗴𝗹𝗮𝗹𝗮𝘆𝗼𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗽𝗮𝗯𝗶𝗹𝗶𝘀 𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗿𝗲𝗿𝗲𝘀𝗼𝗹𝗯𝗮 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗸𝗮𝘀𝗼 𝗻𝗮 𝘀𝗮𝗻𝗴𝗸𝗼𝘁 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝘁𝘂𝗿𝗶𝘀𝘁𝗮.
Ipinaliwanag ni Madrona na ang ibig sabihin ng pinaplanong proyekto ng Tourism Department na tinawag nitong “flagship project” ay ang paglilitis sa ilang indibiduwal na nang-agrabyado o nambiktima ng isang turista na ang pangunahing layunin ay mabigyan ng kaukulang proteksiyon ang mga turista, lokal man o dayuhan.
Ayon kay Madrona, inatasan nanrin ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang Philippine National Police (PNP) kasama na ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Justice (DOJ) na makipagtulungan sa DOT upang litisin at usigin ang mga krimen na may kinalaman sa mga turista o ang mga naging biktima ng krimen sa Pilipinas.
Sabi ni Madrona na determinado ang DOT sa ilalim ng pamumuno ni Tourism Sec. Maria Christina Garcia Frasco na maisakatuparan ang 24/7 tourist courts dahil sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan na aniya na ang ahensiya sa DOJ upang mabilis na malutas ang kasong may sangkot na turista maging ito man ay isang dayuhan o lokal na turista.
Dagdag pa ng Committee on Tourism Chairperson na kasama sa pagpapaunlad ng Philippine tourism ay ang pagtiyak na ang lahat ng mga turistang bumibisita o nagtutungo sa bansa ay ligtas. Kasunod ng pahayag ng kongresista na ginagawa ng DOT ang lahat ng makakaya nito upang maayos ang pamamalagi ng mga turista sa Pilipinas.
“Kasama sa tourist attraction ay ang pagtitiyak na ang mga turistang nagpupunta sa Pilipinas ay safe. Hindi naman lahat ay puro face value lang o ang makikita nila ay ang magandang tanawin sa ating bansa. Napakahalaga na ang mga turista ay ligtas habang sila ay naririto sa Pilipinas,” paliwanag ni Madrona.
Pinapurihan din ni Madrona ang DOT dahil sa pagsisikap nitong mapalakas ang puwersa ng pulisya sa mga estratehikong lokasyon sa bansa na mayroong mataas na bilang o konsentrasyon ng mga dayuhan at lokal na turista.
To God be the Glory