Dotr

DOTr itinutulak direct Manila-Israel flight

Jun I Legaspi Feb 10, 2026
399 Views

ITINUTULAK ng Department of Transportation (DOTr) ang plano na maglunsad ng direktang air travel sa Pilipinas at Israel tungo sa mas maginhawang paglalakbay mula Maynila patungong Tel Aviv.

Ayon sa kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Banoy Lopez, nakikipag-ugnayan na ang DOTr sa sugo ng Israel sa Pilipinas na si Dana Kursh upang maisakatuparan ang direktang flight.

“Maaari na nating simulan ang pagtrabaho para sa direktang flight mula Israel patungong Pilipinas.

Makakaasa kayo na makikipag-ugnayan ako kay Embahador Aileen (Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola) pati na rin sa DFA at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan,” pahayag ni Lopez.

Tiniyak ni Lopez ang matibay na pangako ng DOTr na maitatag ang direktang ruta ngayong taon at gagawin ang lahat ng kinakailangan upang maisakatuparan ito sa lalong madaling panahon.

Samantala, ipinahayag ni Ambassador Kursh ang kasabikan ng pamahalaan ng Israel sa pagbubukas ng direktang flight ngayong taon, lalo’t maraming Israelis ang nagnanais bumisita sa mga pangunahing destinasyon sa turismo ng Pilipinas.

“Nakikita ko ito bilang malaking oportunidad sa negosyo at walang hangganan ang posibilidad. Kaya’t ating tuklasin ang mga pagkakataong ito para sa mga Israeli at Pilipino,” sabi ni Kursh.