Calendar
Intel funds hindi pwde gamitin pangwalwal– Barbers
BINIGYANG-DIIN ni House prosecution spokesperson at impeachment adviser Robert Ace S. Barbers na ang intelligence funds ay hindi malayang gamitin para sa pagwawalwal, unlimited shopping, para sa grocery at iba pang mga pang-personal na gastusin.
Iginigiit ni Barbers, dating Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na hindi maaaring ituring na malayang pondong maaaring gastusin sa pagbili ng mga mesa, silya, hardware supplies, grocery, o iba pang gastusing wala sa mga pinahihintulutan ng umiiral na mga tuntunin ng pamahalaan ang confidential funds.
“Hindi naman inaallow ang paggamit ng pondong ito para bumili ka ng lamesa, punta ka sa grocery, mag-grocery ka, all these things,” pahayag ni Barbers.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni COA Auditor Roderick Wamil na ang ilan sa mga biniling iniulat ng Office of the Vice President (OVP) ay sinusuportahan lamang ng acknowledgment receipts sa halip na sales invoices at official receipts.
Ayon kay Barbers, malinaw na nakasaad sa Joint Circular No. 2015-01 kung anu-anong gastusin lamang ang maaaring paglaanan ng confidential at intelligence funds.
“Kaya nga, nakalista doon sa joint circular na ‘yan na kapag confidential and intelligence funds, ito lang ‘yung allowable expenses or expense items that you can use this money on,” ani Barbers.
Sa ilalim ng naturang Joint Circular, pinahihintulutan lamang ang mga gastusin tulad ng pagkuha ng intelligence information, pagpapanatili ng safe houses, pagrenta ng sasakyan para sa confidential operations, at pagbibigay ng reward sa mga kwalipikadong impormante, basta’t sumusunod sa itinakdang mga kondisyon.
Pagbibigay-diin pa ni Barbers na hindi nangangahulugang maaaring gamitin sa anumang layunin ang confidential funds dahil lamang sa ito ay classified bilang confidential.
“Hindi ibig sabihin na kapag confidential, puwede mo gamitin ‘yan,” aniya.
Ayon pa sa dating kongresista, kabilang sa mga transaksiyong sinuri sa audit ang pagbili ng mga gamot, office supplies, mesa, silya, printer, at computer na kinuwestiyon ang kaugnayan sa mga confidential operations.

