Calendar
DepEd ‘di napatunayang legal paggamit ng P112.5M confi funds sa panunungkulan ni VP Sara–COA auditor
HINDI napatunayan ng Department of Education (DepEd) na legal at naaayon sa batas panggamit nito sa P112.5M confidential funds noong 2023, ayon sa auditor ng Commission on Audit (COA).
Nabigong magsumite ang DepEd ng anumang dokumentaryong ebidensya na magpapatunay sa legal na paggamit ng confidential funds (CF), dagdag ng auditor.
Si Roderick Wamil, kabilang sa COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) na nagsagawa ng audit sa paggamit ng confidential funds ng DepEd noong 2023, ay nakakita ng ilang iregularidad sa mga liquidation report na isinumite ng kagawaran noong ito ay pinamumunuan pa ni Vice President Sara Z. Duterte.
Sa pagtatanong ni House prosecution counsel Atty. Lorna Kapunan, sinabi ni Wamil na gumamit ang DepEd ng pare-parehong activities on na confidential funds sa bawat isa sa unang tatlong quarter ng 2023.
Sinabi ni Wamil na walang nakasaad na partikular na confidential activities na nagsisilbing batayan sa paggamit ng confidential funds, taliwas sa hinihingi ng Joint Memorandum Circular No. 2015-01, na nagtatakda ng mga alituntunin sa paglalaan, pagpapalabas, paggamit, pag-uulat at pag-audit ng confidential at intelligence funds.
Ayon sa DepEd, ang confidential funds ay inilaan para sa mga sumusunod na layunin: counter-insurgency programs, abuse prevention and control, anti-illegal activities at anti-extremism/terrorism programs.
Ayon sa kanya, sinabi ng DepEd na ginamit ang pondo upang pigilan ang pagrerekrut ng mga guro at mag-aaral ng New People’s Army (NPA), Communist Party of the Philippines (CPP) at iba pang makakaliwang grupo.
Para naman sa abuse prevention and control sa loob ng mga paaralan, sinabi ni Wamil na layunin ng DepEd na mapataas ang partisipasyon ng komunidad sa pag-uulat ng mga kaso ng pang-aabuso laban sa mga mag-aaral.
Ayon sa auditor, gumastos ang DepEd ng P10 milyon sa unang quarter, P10.75 milyon sa ikalawang quarter at P10.1 milyon sa ikatlong quarter ng 2023.
Ngunit tulad ng sa counter-insurgency program, sinabi ni Wamil na walang dokumentong isinumite ang DepEd na nagdedetalye kung paano ginamit ang confidential funds.
Layunin ng DepEd na magsagawa ng mas pinaigting na surveillance upang maiwasan ang mga ilegal na aktibidad ng mga mag-aaral at kawani ng kagawaran.
Walang dokumentaryong ebidensya ang DepEd na sumusuporta sa paggamit ng confidential funds para sa layuning ito.
Para naman sa anti-extremism o anti-terrorism programs, iniulat ni Wamil na gumastos ang DepEd ng P9.375 milyon sa unang quarter, P9.3 milyon sa ikalawang quarter at P9.2 milyon sa ikatlong quarter.
Walang isinumiteng supporting documents sa COA-ICFAO na nagpapakita kung paano detalyadong ginamit ang naturang pondo.

