Calendar
Ridon: Paglalakwatsa ni VP Sara ‘di na bago
HINDI na bago ang paglalamyerda ni Vice President Sara Z. Duterte sa iba’t-ibang bansa sapul ng maluklok ito sa puwesto kaya kinukuwestiyon ng isang miyembro ng House prosecution team kung papaano pinopondohan ng Pangalawang Pangulo ang mga paglalakwatsa sa loob ng 91 araw.
Pagbibigay diin ni House prosecutor at Bicol Saro Party List Rep. Terry L. Ridon na paano pinondohan ng Bise Presidente ang kanyang mga “foreign trips” na umabot sa kabuuang 91 days sa loob ng nakalipas na dalawang taon na aniya’y nagbubukas ng mga katanungan hinggil sa pinagmulan ng pondong ginamit.
Sinabi ni Ridon na tinataya niyang umabot sa P5 milyon hanggang P8 milyon ang kabuuang gastos sa mga naturang biyahe batay sa pamasahe sa eroplano at sa United Nations Daily Subsistence Allowance na sumasaklaw sa gastos sa hotel, pagkain, at iba pang kaugnay na gastusin.
“Napakahalaga na maipaliwanag kung saan nanggaling ang pondong ginamit sa mga biyaheng ito,” ang pahayag ni Ridon.
Binanggit din ng kongresista na sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni VP Duterte noong 2024, nakasaad umano na wala itong cash on hand o cash in bank.
Dagdag pa ni Ridon, kahit ipagpalagay na may hindi idineklarang salapi ang Bise Presidente, hindi umano sapat ang kanyang suweldo upang tustusan ang milyun-milyong pisong gastos sa mga naturang paglalakbay.
“Manggagaling ba ito sa kanyang suweldo lamang? Sa tingin ko, hindi,” sabi pa ni Ridon.
Kinuwestiyon din niya kung maaaring nagmula ang pondo sa mga negosyong iniuugnay kina Duterte at sa kanyang asawa na si Atty. Manases “Mans” Carpio.
“Maaari bang nanggaling ito sa mga negosyong pag-aari o kinabibilangan nila? Malamang hindi, dahil batay sa mga financial statement ng mga negosyo ng Duterte-Carpio, nalulugi ang mga ito,” ani Ridon.
Hindi rin sang-ayon si Ridon sa pahayag na hindi na dapat usisain ang mga naturang biyahe dahil umano’y pribadong pondo ang ginamit.
“Sa tingin ko, hindi na uubra ang paliwanag na wala namang naging gastos ang Bise Presidente dahil pribadong pondo ang ginamit,” aniya.
Sinabi rin niya na kung mga kaibigan o iba pang tao ang nagbayad ng mga biyahe, maaari rin umano itong magbukas ng iba pang usaping legal.

