Calendar
Bill na nagbabawal ipasa sa consumers system loss sa power inihain sa Kamara
INIHAIN ni Marikina City Rep. Marcelino “Marcy” R. Teodoro ang panukalang “Electricity Consumers’ System Loss Relief Act of 2026” na naglalayong ipagbawal sa mga distribution utilities at electric cooperatives ang paniningil sa mga consumer para sa kuryenteng nawawala sa distribution system o “system loss.”
Ayon kay Teodoro, nararapat lamang na ang mga mamimili ay magbayad para lamang sa kuryenteng aktuwal nilang natanggap at nagamit.
“Dapat ang binabayaran lamang ng mga konsyumer ay ang kuryenteng tunay nilang tinanggap at nagamit.
Hindi makatarungan na ipapasan sa mga pamilyang Pilipino ang halaga ng kuryenteng hindi naman nakarating sa kanilang mga tahanan, at lalo pang hindi makatwiran na patawan ito ng VAT,” ani Teodoro.
Sa ilalim ng umiiral na batas, pinapayagan ang mga distribution utilities na ipasa sa mga consumer ang gastos sa system loss na kinabibilangan ng technical losses mula sa transmission equipment at non-technical losses gaya ng ilegal na koneksyon at pagnanakaw ng kuryente.
Ang naturang singil ay may karagdagang 12 porsyento ng VAT.
Sa ilalim ng panukalang batas, ipagbabawal na ang pagpapasa ng system loss charges sa mga konsyumer.
Sa halip, ang makatwiran at kinakailangang system losses ay ituturing na bahagi ng karaniwang gastos sa operasyon ng mga utility company at maaari lamang mabawi sa pamamagitan ng regular na rate-setting process ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Nilalayon din ng panukala na alisin sa batayan ng VAT ang halaga ng kuryenteng hindi naman naihatid sa mga konsyumer, dahil hindi ito maaaring ituring na serbisyong naibigay.

