Calendar
P125M nagastos sa loob ng 11 araw–prosecutor
NAPATUNAYAN sa mga rekord ng Office of the Vice President (OVP) na ang P125 milyong confidential fund allocation nito ay nagastos sa loob lamang ng 11 araw kahit hindi pumayag ang defense team ng respondent na si Vice President Sara Z. Duterte na kilalanin ang naturang katotohanan bilang napagkasunduan na, ayon kay private prosecutor Benjamin “Jay” Tolosa Jr. sa pagdinig ng Senate Impeachment Court.
Tumanggi si defense counsel Atty. Michael Poa sa mungkahi ng prosekusyon na pagtibayin bilang stipulation na natanggap ng OVP ang P125 milyon noong Disyembre 20, 2022 at nagamit ito sa loob ng 11 araw.
Ayon kay Atty. Tolosa, nasa mga senador-hukom pa rin ang magiging pagtanggap at pagtingin sa kahalagahan ng pagtanggi ng depensa sa naturang stipulation.
“St the end of the day, even if they’ll not enter into that stipulation, we’re confident that we have the evidence that will be able to establish that fact.”
Nauna nang nagpatotoo si Commission on Audit (COA) auditor Roderick C. Wamil na batay sa Physical and Financial Plan ng OVP, ang cash advance ay inilaan para sa ikaapat na quarter ng 2022 o mula Oktubre hanggang Disyembre.
Gayunman, sinabi ni Wamil na ang liquidation report ng OVP ay sumaklaw lamang sa panahon mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 31, 2022.
Ayon sa auditor, ang halagang P125 milyon at ang 11-araw na panahon ng paggastos ay batay sa mga dokumentong isinumite mismo ng OVP.
Nang tanungin kung nangangahulugan ba ang natuklasang noncompliance ni Wamil na hindi umiiral ang mga recipient na nakasaad sa confidential fund records, naging maingat si Tolosa sa pagbibigay ng konklusyon.
“Sa part na iyon, ayaw muna naming pangunahan ang entirety ng testimony ng witness. Nandoon pa lang naman siya sa unang issuance ng Audit Observation Memorandum,” paliwanag pa ni Tolosa.

