Calendar
Senador ipapagamit educ fund para sa schools’ security
ISINUSULONG ni Senate President Sherwin Gatchalian na payagan ang mga lokal na pamahalaan na gamitin ang Special Education Fund sa pagkuha ng mga security personnel sa gitna ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 53, o 21st Century School Boards Act, maaaring gamitin ang pondo sa mga hakbang para sa kaligtasan ng mga paaralan, kabilang ang pag-deploy ng mga security guard na may sapat na pagsasanay.
Muling itinulak ni Gatchalian ang panukala matapos ang pagkamatay ng 13-anyos na mag-aaral na sinaksak ng kanyang 14-anyos na kaklase sa Las Piñas National High School.
Hindi inilathala ang pagkakakilanlan ng mga mag-aaral dahil pareho silang menor de edad.
“Hindi na sapat ang pader at silid-aralan kung walang katiyakan ang kaligtasan ng ating mga estudyante,” sinabi ni Gatchalian.
Karaniwang ginagamit ang Special Education Fund para sa mga silid-aralan at pasilidad ng paaralan.
Palalawakin ng panukala ang mga pinahihintulutang pinaggagamitan ng pondo at palalakasin ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa agarang pangangailangan sa edukasyon.
Aamyendahan nito ang Republic Act No. 7160, o ang Local Government Code.
Bahagi ng priority agenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council ang pagpapalawak sa paggamit ng pondo.
Kailangan munang maaprubahan ang Senate Bill No. 53 sa Senado at Kamara bago ito maipadala sa Pangulo para sa paglagda.

