BBM-Sara Si UniTeam presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr . at running mate Lakas-CMD vice presidential candidate, Davao City Mayor Sara Duterte. Kuha ni VER S. NOVENO

Mayor Sara hindi iiwan si BBM

297 Views

IBINASURA ni Davao City Mayor Sara Duterte ang mga panawagan na iwan nito si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at makipagtambalan sa ibang presidential candidates.

Bagamat nagpapasalamat dahil sinusuportahan ang kanyang pagtakbo sa pagkapangalawang pangulo, sinabi ni Duterte na hindi nito mapagbibigyan ang kanilang hiling na magbago ng kapareha.

“I am running for the position of Vice President and my President is Apo Bongbong Marcos. The presidency was the option for Apo BBM as it was for me. I chose the vice presidency,” sabi ni Duterte sa isang video na ipinost sa kanyang Facebook page.

Sinabi rin ni Duterte na hindi nito tatalikuran ang pinasok na kasunduan ng kanyang partidong Lakas-Christian Muslim Democrats at Hugpong Ng Pagbabago sa kampo ni Marcos na kanilang susuportahan sa pagkapangulo.

Patuloy din umano ni Duterte ang pagdarasal at panawagan sa kanyang mga kaibigan na pagkatiwalaan ng mga ito ang UniTeam na magsisilbi ng tapat at may pagmamahal sa bayan.