POGO Source: FB file photo

Win: Kailangan ng holistic approach para masunod direktiba ni PBBM vs POGO

81 Views

SINABI ni Senador Sherwin Win Gatchalian na kailangan ng holistic approach para epektibong maisakatuparan ang direktiba ng Pangulo na ipagbawal ang lahat ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa sa pagtatapos ng taon.

“Ang diskarte ay dapat na holistic at sumasaklaw sa lahat ng aspeto ng deklarasyon ng Pangulo. Ang layunin ay magkaroon ang bansa ng maayos na pagwawakas ng mga operasyon ng POGO,” sabi ni Gatchalian.

Binigyang-diin niya na hindi lamang dapat nakatuon ang pansin sa mga POGO na lisensyado ng Philippine Amusement and Games Corp. (PAGCOR) dahil marami pa rin aniya ang mga POGO na ilegal na tumatakbo, tulad ng sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na umaabot pa sa higit dalawang daan ang bilang.

“Kahit na ipatigil natin ang mga lisensyadong POGO pero hindi naman natin nahahabol ang mga ilegal, mananatili pa rin ang operasyon ng POGO sa bansa. Hindi magiging epektibo ang pagsasara kung magpapatuloy pa ang mga scam na ginagawa nila,” ayon sa senador.

Dagdag pa riyan, sinabi rin niya na dapat makipag-ugnayan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa PAGCOR upang alamin ang halaga ng gross gaming revenue (GGR) ng bawat Internet Gaming Licensee (IGL), ang bagong termino na ipinalit sa POGO.

Ani Gatchalian, natukoy sa mga nakaraang pagdinig ang kakulangang P2 bilyon hanggang P5 bilyon na dapat na nakolekta ng gobyerno, kasunod ng pagkakaiba o discrepancy sa pagitan ng GGR na idineklara ng mga POGO sa PAGCOR at ng GGR na isinumite sa BIR para malaman kung magkano ang dapat bayarang buwis. “Ang GGR ang batayan ng mga babayaran sa PAGCOR at BIR, ngunit ang PAGCOR, bilang regulator, ay may mekanismo para matukoy ang aktwal na GGR. Ang mga deklarasyon kasi sa BIR ay madalas na undervalued,” aniya. “Kung may utang at umalis na sila, paano pa natin mahahabol,” ang mariing sinabi ni Gatchalian.

Nagbabala din si Gatchalian sa hindi tugmang bilang ng alien employment certificates (AEP) na inisyu ng Bureau of Immigration (BI) at ang bilang ng mga work permit ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga foreign nationals na nagtatrabaho sa mga POGO.

Noong Hulyo 2024, iniulat ng PAGCOR na may naitalang 26,431 foreign nationals na nagtatrabaho sa mga POGO. Pero batay naman sa rekord ng DOLE, 15,819 lamang ang inisyu nitong AEPs.