Fernandez

Fernandez: Iba ang kinang ng salapi sa mata ng opisyal ng gobyerno na pumayag sa iligal na POGO

74 Views

NABULAG umano ng pera ang mga opisyal ng gobyerno kaya pinayagan ang iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kahit na ipinagbawal na ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ang sinabi ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez sa muling pagsasagawa ng imbestigasyon ng quad committee ng Kamara de Representantes.

“Iba talaga ang kinang ng salapi sa mata ng ating mga nasa gobyerno at nagpapatupad ng mga batas,” ani Fernandez, chairman ng House Committee on Public Order and Safety.

Sinabi ni Fernandez na sa kabila ng utos ng Pangulo ay nagpatuloy ang operasyon ng POGO sa Cebu, Cavite, at Cagayan dahil itinuon umano ng mga korap na opisyal ang kanilang atensyon sa pera at personal na interes.

“Hukayin po natin ang ugat ng lahat ng ito, at saan sila kumukuha ng lakas ng loob upang ipagpatuloy ang mga illegal na operasyong ito,” deklara ni Fernandez.

Ikinabahala rin ni Fernandez ang alegasyon na mayroong matataas na opisyal at dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sangkot kaya nagpapatuloy ang operasyon ng POGO.

“Totoo ba ‘to? Is this the reason why operations in conducting on the stoppage of the illegal POGOs in the whole country are not being implemented or they are just stories that need no attention for discussion?” tanong ni Fernandez.

“Bilyon-bilyon ang operasyon ng POGO—from the construction of big facilities, buying of lands by certain Chinese corporations, and the financial transactions through bank exchanges of large amounts of money. Kung iisipin mo, hindi lang talaga online gambling and scams ang involved dito but the money being laundered in these operations is so blatant that it needs no deep explanation for an ordinary person to understand,” paliwanag nito.

“Pera ’to ng droga. Pera ’to na nanggaling sa Chinese operators na gustong linisin ang kanilang pera dito sa kanilang operasyon sa POGO,” giit pa nitoi.

Sa kanyang pagtatapos, nanawagan si Fernandez sa publiko na tumulong upang mahanap ang mga iligal na POGO.

“Sa ating mga kababayan, tulungan niyo po kami. Kung meron po kayong nalalaman sa patuloy na pag-ooperate ng illegal na POGO sa inyong lugar, buligligin po natin ang ating mga nanunungkulan at mga hepe ng kapulisan na kumilos sa kanilang mga nasasakupan. Without compliance, please report to the Quad Committee, and we will act accordingly,” wika pa nito.