TPB Ipinagmamalaki ni TPB Chief Operating Officer Marga Nograles ang Best National Tourism Organization trophy galing sa 33rd Annual TTG Travel Awards 2024 na ginanap sa Centara Grand & Bangkok Convention Center, Bangkok, Thailand.

TPB tinanghal na Best Tourism Organization in Asia sa Thailand

Jon-jon Reyes Oct 4, 2024
12 Views

TINANGHAL na Best National Tourism Organization in Asia ang Tourism Promotions Board (TPB)-Philippines, ang marketing arm ng Department of Tourism (DOT), sa 33rd Annual TTG Travel Awards noong Setyembre 26 sa Bangkok, Thailand.

Ipinahayag ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco ang balita at ipinagmamalaki ang parangal.

“Ang prestihiyosong parangal na ito tunay na salamin ng hindi natitinag na dedikasyon ng Department of Tourism at ng TPB sa pagpoposisyon sa Pilipinas bilang pangunahing destinasyon sa Asya at lubos na sumusuporta sa pananaw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa pamumuno ni COO Marga Nograles, ang walang sawang pagsisikap ng TPB team naging mahalaga sa pag-angat ng turismo ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado,” sabi ni Secretary Frasco.

Ipinagmamalaki ng parangal ang paglahok ng TPB sa Incentive Travel & Conventions Meetings Asia (IT&CMA) noong Setyembre 24-26 kasama ang 21 manlalaro mula sa industriya ng MICE ng Pilipinas.

Ang programang MICE Philippines: We Take Your Business to Heart kitang-kitang itinampok sa event.

“Kami ay lubos na pinarangalan at nagpapasalamat na muli naming pinangalanang ‘Best National Tourism Organization’ ngayong taon.

Ang pagkilalang ito nagsisilbing testamento sa tiwala at kumpiyansa na inilagay ng mga travel agent sa buong mundo sa Tourism Promotions Board Philippines.

Ang inyong mga boto nagbibigay-inspirasyon sa amin upang ipagpatuloy ang pagpapakita ng kagandahan, kultura at potensyal ng ating minamahal na bansa,” ani TPB COO Nograles.

Ang TTG Travel Awards, na itinatag noong 1989, nakatayo bilang isa sa mga pinakaprestihiyosong parangal sa industriya ng paglalakbay sa Asia-Pacific na nagdiriwang ng kahusayan sa maraming kategorya, kabilang ang mga supplier ng paglalakbay at mga natitirang tagumpay.

Kinilala ng 33rd Annual TTG Travel Awards 2024 ang 106 na nanalo, kabilang ang Fairmont Makati para sa Best Hotel sa Manila, Conrad Manila para sa Best Business Hotel sa Pilipinas, Okada Manila para sa Best Meetings and Conventions Hotel sa Pilipinas at SMX Convention Center para sa Best Convention and Exhibition Center sa Pilipinas.