Sundalo namaril; asawa biyenan, driver patay

Zaida Delos Reyes Oct 11, 2024
34 Views

ARESTADO ang isang sundalo makaraang pagbabarilin nito hanggang sa mapatay ang kanyang asawa, biyenan at driver sa loob mismo ng kanilang kampo sa Gamu, Isabela nitong Huwebes ng hapon.

Nakilala ang suspect na nasa kustodiya ngayon ng PNP na si Sgt. Mark Angelo Ajel, 32- anyos at miyembro ng Philippine Army na nakatalaga sa 503rd Infantry Brigade sa Calanan, Tabuk City, Kalinga.

Hindi naman umabot ng buhay sa pagamutan ang asawa ng suspect na si Erlinda Ajel, 35-anyos, biyenan nito na si Lolita Ramos at driver na si Rolando Amaba.

Batay sa ulat ng PNP, naganap ang pamamaril dakong 2:00 ng hapon sa loob ng kampo ng 5th ID sa naturang bayan.

Sakay ang mga biktima at suspect ng kanilang sasakyan na nakaparada sa loob ng kampo nang biglang umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril.

Nang lapitan ng mga sundalo ang sasakyan ay nakita nila ang suspect na may hawak ng baril kaya’t agad nila itong inaresto.

Dinala naman ang misis at biyenan ng biktima sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ang mga ito habang dead on the spot naman ang driver.

Ayon sa kaanak ng mga biktima, nagselos ang suspect sa kanilang driver na naging sanhi ng pamamaril.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (30)