Sunog ng 3 bahay, 3 sasakyan sanhi ng e-bike na nag-overheat, 5 sugatan

Gil Aman Oct 12, 2024
40 Views

TATLONG bahay at tatlong sasakyan ang nasunog at nasugatan ang limang miyembro ng pamilya dahil sa e-bike na nag-overheat at nasunog habang tsina-charge sa Chicharunan compound, Lucero St., Brgy. Kanluran, Sta. Rosa City, Laguna.

Sa ulat ni Laguna police OIC provincial director P/Col. Gauvin Mel Unos, nasugatan ang pamilya Rodriguez na kinabibilangan nina Shierly, 65; Joseph, 29; Angelo, 13; Jomart, 12; at Archie, 11.

Isinugod ang lima sa Sta Rosa Community hospital para lapatan ng lunas para sa mga tinamong sugat.

Nagmula ang sunog sa bahay ng isang alyas Roby Montenegro na iniwan ang kanyang e-bike upang kargahan ang battery subalit dahil sa nag-init na pinagmulan ng apoy mga bandang alas-11:30 ng gabi.

Ayon sa ulat, kumalat ang apoy hanggang sa madamay ang isa pang bahay na pag-aari ni Orlando Villandrez Alojado, 61, at Misael Lungay Requierme, 57.

Sinabi ni Montenegro na naiwan niya ang kanyang e-bike upang i-charge ang battery subalit ng kanyang balikan lumiliyab na ito kaya kumalat ang apoy sa mga karatig na bahay at nadamay pa ang Mitsubishi Montero, L-300 Canter at isa pang e-bike.

Naapula ang apoy dakong alas-2:30 ng madaling araw.