Calendar
PONDO NA PANTULONG DINAGDAGAN
Para mas maraming matulungan — Rep. Zaldy Co
PARA mas maraming matulungan, dinagdagan ng komite ng Kamara de Representantes ng P292.23 bilyon ang panukalang pondo para sa social services na pantulong sa mga nangangailangang Pilipino at matiyak ang suplay ng murang pagkain.
Ayon kay Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, chairman ng House appropriations committee, ang naturang pondo ay bukod pa sa P591.8 bilyon na inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program na pinagbasehan ng inaprubahang General Appropriations Bill (GAB) ng Kamara de Representantes.
Ang naturang mga pondo ay nakapaloob sa P6.352-trilyong pambansang budget para sa 2025 na nakatuon sa pagtulong sa mga bulnerableng sektor tulad ng mga financially-challenged students, magsasaka, mangingisda, sundalo at mahihirap na pamilya.
“The additional funding is crucial for supporting those in need. We’re providing assistance to struggling families especially during these challenging times,” ayon kay Co.
Kasama sa mahahalagang pagbabago sa 2025 GAB ang karagdagang P39.8 bilyon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) na layuning magbigay ng agarang suporta sa mga dumaranas ng pinansyal na kahirapan.
Dahil sa malawak na pagtanggap at panawagan ng publiko para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), naglaan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng karagdagang P39.8 bilyon para sa tulong pinansyal na nakatutok sa mga kumikita ng P21,000 o mas mababa kada buwan.
Ang halagang ito ay tatlong beses na mas mataas kaysa sa aktwal na alokasyon na P13 bilyon para sa 2024.
Ayon kay Co, ang AKAP ay nakatuon sa “near poor” o “lower middle class” na bahagi ng populasyon na kinabibilangan ng mga minimum wage earners na walang mapagkukunang pondo sakaling magkaroon ng emergency, tulad ng biglaang pagkamatay ng kumikita sa pamilya, pagkakasakit, pagkawala ng trabaho o mabilis na pagtaas ng presyo na maaaring magdala sa kanila pabalik sa kahirapan.
Naglaan din ang Kamara ng P3.4 bilyon para sa Sustainable Livelihood Program para sa mga pamilyang may mababang kita. “We believe that empowering individuals through livelihood programs will help break the cycle of poverty,” ayon pa kay Co.
Binibigyang diin ni Marikina Rep. Stella Quimbo, senior vice chairman ng appropriations committee, ang kahalagahan ng mga proaktibong hakbang sa panukalang budget.
Ayon sa kanya, makakatanggap ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng karagdagang P20.28 bilyon para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at sa Government Internship Program.
“We must have funds on standby to support those who have crossed the poverty threshold to prevent them from falling back into poverty due to economic challenges. This budget is not just about numbers; it’s about the lives we can uplift,” ayon kay Quimbo.
Sa karagdagang hakbang upang suportahan ang edukasyon, naglaan ang komite ng Kamara ng dagdag na P30.01 bilyon para sa mga scholarship ng mga mahihirap na estudyante na nag-aaral sa kolehiyo. Ang pondong ito ay pantay na hahatiin sa Tertiary Education Subsidy at Tulong Dunong programs ng Commission on Higher Education (CHED).
“Investing in education is investing in the future. Every child deserves the chance to learn and succeed,” ayon pa kay Quimbo, dating professor sa economics sa University of the Philippines at visiting professor sa Erasmus University Rotterdam sa Netherlands.
Ayon pa sa mambabatas, ang Department of Education (DepEd) ay makikinabang mula sa karagdagang P7 bilyong budget para sa pagtatayo ng mga bagong pasilidad ng paaralan at pagsasaayos ng mga kasalukuyang pasilidad.
Ang pondong ito ay naglalayong tugunan ang kagyat na pangangailangan para sa mas mahusay na imprastruktura sa edukasyon, lalo na sa mga lugar na kulang sa serbisyo.
Samantala, makakatanggap naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng karagdagang P8.44 bilyon para sa pagtaas ng subsistence allowances ng mga militar.
Kapag naaprubahan, ang araw-araw na subsistence ng mga sundalo ay magiging P250, na nagtatala ng 67 porsiyentong pagtaas mula sa mga nakaraang halaga.
Ang karagdagang pondo para sa araw-araw na subsistence ng mga nakatalagang sundalo ay inisyatiba ni House Speaker Martin Romualdez bilang tugon sa mga panawagan ng mga kawani ng militar na madalas niyang nakakasalamuha.
“Our soldiers deserve the extra allowance. This is a small price to pay for their sacrifice and for defending our country from both internal and external threats,” pagdidiin pa ni Romualdez.
Makakatanggap din ang AFP ng karagdagang P3.2 bilyon upang tapusin ang pagpapalawak ng paliparan sa Pag-asa Island kasama ang isang shelter port sa Lawak, Palawan.
Ang mga ito ay bahagi ng mga pagsisikap na ipagtanggol ang West Philippine Sea laban sa patuloy na panghihimasok ng China.
“Investing in our military not only supports our soldiers but also strengthens our national security and sovereignty. This also underscores our commitment to protect our territorial integrity,” saad pa ni Co.
Sa layuning mapabuti ang seguridad sa pagkain, inilipat ng komite ang P30 bilyon para sa Philippine Irrigation Network Piping System ng Department of Agriculture (DA), mga solar-powered irrigation systems at mga proyekto para sa cold storage.
“Food security is a priority for our nation, and these investments will help ensure that our farmers can thrive,” ayon kay Co.
Dagdag pa rito, may inilaang P44 bilyon sa budget ng National Irrigation Administration (NIA) para sa pagtatayo ng mga pump irrigation at mga proyekto ng solar-driven pump irrigation.
Tatanggap rin ang Department of Health (DOH) ng karagdagang P56.87 bilyon, na layuning pagbutihin ang Health Facility Enhancement Program, Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program, at ang mga specialty at legacy hospitals.
Maglalaan din ng P1 bilyong pondo para sa pagpapahusay ng serbisyo ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH), isang mahalagang pasilidad sa healthcare system ng bansa.
“Healthcare is a fundamental right, and we must ensure that all Filipinos have access to quality medical services,” ayon pa kay Co.