Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr.

Pagiging patas ni Sen. Bato sa Senate probe sa Duterte drug war duda si Abante

15 Views

DUDA si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., co-chairman ng quad committee ng Kamara de Representantes, kung magiging patas si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa isasagawa nitong imbestigasyon sa madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Naniniwala si Abante, chairman ng House committee on human rights, na makokompromiso ang integridad ng imbestigasyon dahil kilalang malapit si Dela Rosa kay Duterte.

“I would think that he (Dela Rosa) would be more biased than actually balanced in that hearing,” ani Abante sa isang press conference sa Kamara de Representantes nitong Miyerkules.

Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police (PNP) nang ipatupad ni Duterte ang madugong war on drugs kung saan libu-libo ang pinaslang.

Hindi si Dela Rosa ang most senior official ng PNP nang italaga ni Duterte bilang hepe ng pambansang pulisya.

Nauna ng sinabi ni Dela Rosa na magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Senado sa war on drugs at iimbitahan si Duterte.

Sa kabila ng kanyang pagkakasangkot sa implementasyon ng war on drugs, sinabi ni Abante na isang welcome development ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Senado dahil makatutulong ito sa imbestigasyong isinasagawa ng quad comm.

“In fact, sabi ng Bible, two is better than one. Eh ‘di partner na kami ng Senado when it comes to investigation,” sabi ni Abante.

Sinabi ni Abante na si Duterte ang magdedesisyon kung pupunta sa pagdinig o hindi.

“It’s up to him actually… Hopefully, he will come and say what he would like to say,” dagdag pa ng mambabatas.

Nakapagsagawa na ng walong pagdinig ang quad comm at lumutang ang pangalan ni Duterte sa pagbibigay ng reward para sa mga pulis na nakapatay ng drug suspect.

Ang nagsiwalat nito ay si dating Philippine Charity Sweepstakes Office general manager at retired Police Colonel Royina Garma na kilalang malapit kay Duterte at umamin na inutusan ng dating pangulo na maghanap ng mamumuno sa implementasyon ng Davao model war on drugs sa buong bansa.

Kung hindi man dumalo si Duterte sa pagdinig ng Kamara, sinabi ni Abante na kanilang babantayan ang pagdinig ng Senado.

“Whatever he will say, babantayan namin ng maigi ‘yan,” sabi ni Abante.

Iniimbestigahan ng quad comm ang kaugnayan ng iligal na mga Philippine offshore gaming operator (POGO) sa kalakalan ng iligal na droga at extrajudicial killings sa pagpapatupad ng Duterte war on drugs.