Drugs

Drug suspek huli, P2M party drugs nakuha sa P’que buy bust

Edd Reyes Nov 8, 2024
63 Views

AABOT sa P2 milyong halaga ng iba’t-ibang party drugs ang nasamsam ng mga pulis sa isang pinaghihinalaang drug suspek sa Paranaque City noong Huwebes.

Nalaglag sa kamay ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Paranaque police si alyas Kylie, 26, sa buy-bust dakong alas-5:35 ng hapon sa Greenheights Avenue sa Brgy. San Dionisio.

Umaabot sa P2,055,900 ang mga party drugs na nasamsam mula sa suspek na kinabibilangan ng 141 na gramo ng cocaine (P747,300), 153 na gramo ng ketamine (P765,000), 274 na gramo ng kush (P411,000), 78 assorted ecstasy (P132,600), drug paraphernalia at P64,000 boodle money na ginamit sa buy-bust.

Dinala na sa Southern Police District Forensic Unit (SPDFU) ang mga nakumpiskang droga para sumailalim sa chemical analysis.

Nakatakda namang sampahan ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 Art II ng RA 9165 si alyas Kylie sa Paranaque City Prosecutor’s Office.