Dating Pangulong Rodrigo Duterte Dating Pangulong Rodrigo Duterte

Gastos ni Duterte para makadalo sa EJK probe handang sagutin ng House Quad Comm leaders

Mar Rodriguez Nov 10, 2024
38 Views

PAYAG ang mga lider ng quad committee ng Kamara de Representantes na sagutin ang gastos sa pamasahe at akomodasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, dumalo lamang ito sa pagdinig kaugnay ng mga kaso ng extrajudicial killing (EJK) sa kanyang war on drugs campaign.

Handa umanong magpatak-patak sina quad comm overall chair Robert Ace Barbers, at mga co-chairman na sina Dan Fernandez, Bienvenido “Benny” Abante Jr. at Joseph Stephen “Caraps” Paduano, vice chair Romeo Acop, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., at Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez para hindi maging hadlang ang gastos sa pagdalo ni Duterte sa pagdinig sa Nobyembre 7.

“If finances are truly an issue, we’re ready to cover his travel and accommodations ourselves. This is about the people’s right to know the truth about alleged abuses in his administration’s anti-drug operations,” sabi ni Barbers, na siya ring chairman ng House committee on dangerous drugs.

Iniimbestigahan ang libo-libong pagpatay at iba pang paglabag sa karapatang-pantao sa ilalim ng war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.

Sa nakaraang panayam, sinabi ni Duterte na wala itong panggastos kaya hindi nakadalo sa pagdinig ng quad comm.

Ang hindi pagdalo ni Duterte ay ikinalungkot ng mga kongresista gaya nina Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, at House Assistant Majority Leaders Jay Khonghun ng Zambales at Paolo Ortega ng La Union, na nagsabi na maaaring natatakot si Duterte sa mga tanong kaya hindi ito dumalo.

Sa nakaraang pagdinig, sinabi ni Paduano, chair ng House committee on public accounts, na maaaring intensyonal ang hindi pagdalo ni Duterte.

“Naglolokohan tayo dito… natatakot siya na pumunta dito?” ani Paduano na ang pinatutungkulan ay ang unang sulat ng abogado ni Duterte na si Atty. Martin Delgra III, na nagsabi na masama ang pakiramdam ni Duterte at maaari umano itong dumalo matapos ang Undas.

Pero sa sumunod na sulat ni Delgra, sinabi nito na nagdesisyon ang dating pangulo na huwag dumalo dahil hindi na umano ito kailangan matapos siyang humarap sa pagdinig ng Senado at gagamitin lamang umano ito ng Kamara upang siya ay makasuhan.

Sinabi ng mga lider ng quad comm na seryoso sila na nais matanong si Duterte upang malaman ang katotohanan.

“The committee is willing to help in any way possible. We’re all ready to contribute personally if that’s what it takes. This is about accountability, not excuses,” ani Fernandez, chair ng House committee on public order and safety.

Dagdag naman ni Abante na chair ng House committee on human rights, “We’re offering to remove every obstacle. We’re even willing to ‘chip in’ if it means he can no longer avoid the inquiry. The victims’ families deserve the truth.”

Ayon kay Acop, ang kahandaan ng mga lider ng komite na gumastos ay isang pagpapakita na nais ng mga ito na makapagsagawa ng malalim na imbestigasyon para malaman ang katotohanan.

Iginiit naman ni Gonzales ang kahalagahan ng pagkakaroon ng transparency. “We’re willing to support Duterte’s travel and accommodations for him and his entourage if that’s what it takes. It’s our duty to ensure those responsible are held accountable,” sabi nito.

Naniniwala naman si Suarez na mahalaga ang testimonya ni Duterte sa pagdinig.

“If covering his expenses will help him fulfill his responsibility to the people, then we’ll chip in without hesitation,” punto ni Suarez.

Sa kabila ng paulit-ulit na imbitasyon, hindi dumalo si Duterte sa pagdinig ng quad comm pero nakadalo ito sa pagdinig ng Senado sa unang imbitasyon pa lamang nito.

“This isn’t about politics, it’s about accountability. We’re willing to cover every expense if that’s what it takes to get answers for the people,” giit naman ni Barbers.