Calendar
Malacanang hinikayat mga ahensiya ng gobyerno na wag maging magarbo ngayong Pasko
UMAPELA ang Palasyo ng Malakanyang sa mga lahat ng ahensya ng gobyerno na magtipid at iwasang maging magarbo ang pagdiriwang ng Pasko ngayong taon.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, pagtalima na rin ito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na alalahanin ang mga biktima ng anim na magkasunod na bagyo.
Sinabi pa ni Bersamin na pakikiisa na rin ito sa milyun-milyong Filipino na patuloy na nagdadalamhati dahil sa mga buhay, tahanan, at kabuhayang nawala bunsod ng mga nagdaang bagyo.
Iginiit ni Bersamin na hindi na kailangang magpalabas ng opisyal na direktiba sapagka’t naniniwala aniya sila sa kabutihang-loob ng mga kapwa nila kawani ng gobyerno at kumpiyansa itong kusang magpapatupad ng pagtitipid sa kanilang mga pagdiriwang.
Nais din ng Palasyo na ang anumang matitipid mula sa mas payak na pagdiriwang ay i-donate para sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Ipinunto ni Bersamin na ang tunay na diwa ng Pasko ay nananawagan na ipagdiwang ito nang may malasakit, ibahagi ang mga biyaya, at maghatid ng kasiyahan.
Sabi pa ng opisyal, bilang isang bayang pinagbubuklod ng pagmamahal sa kapwa, kayang alisin ang lungkot sa paligid habang nagdiriwang ngayong Pasko.
Sa bahagi naman ng pamahalaan, ipinaliwanag ni Bersamin na titiyakin nitong maipadadama ang diwa ng Pasko sa mga apektadong lugar sa pamamagitan ng maagang pamamahagi ng relief goods, tulong, muling pagsasaayos ng imprastruktura, at pagbangon ng kabuhayan.