PBBM Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

PBBM pumalag sa kill plot ni Duterte

Chona Yu Nov 25, 2024
12 Views

PUMALAG si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa banta ni Vice President Sara Duterte na ipapapatay siya kasama sina First Lady Liza Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Ayon sa pangulo, nakababahala ang mga pahayag ni Duterte.

“Kung ganoon na lang kadali ang pagplano sa pagpatay ng isang presidente, papaano pa kaya ang mga pangkaraniwan na mamamayan? ‘Yang ganyang krimimal na pagtatangka ay hindi dapat pinapalampas,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“‘Yan ay aking papalagan,” dagdag pa ni Pangulong Marcos.

Bilang isang demokratikong bansa, dapat ay panatilihin ang rule of law aniya.

Bilang pangulo aniya ng executive department, at lahat ng mga nanunungkulan sa pamahalaan, ay may sinumpaang tungkulin na tutupdin at pangangalagaan ang Konstitusyon at ang mga batas.

Sabi ni Pangulong Marcos, kung sinagot lang sana ni Duterte ang mga tanong ng mga mambabatas kung paano niya ginastos ang confidential funds ng kanyang tanggapan, hindi na sana hahantong sa ganitong drama.

“Ang katotohanan ay hindi dapat i-tokhang,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Pangulong Marcos, tapos na sana ang usapang ito kung tutuparin lamang ang sinumpaang panata na bilang lingkod bayan ay magsasabi ng totoo at hindi hahadlangan.

“Imbes na derechahang sagot, nililihis pa sa kwentong chicheria,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Hangad ni Pangulong Marcos na matuldukan na itong mga pangyayaring ito sa paraang matiwasay at magdadala sa katotohanan.

Sa kabila ng mga batikos, sinabi ng pangulo na nakatuon pa rin ang kanyang atensyon sa pamamahala sa bansa.

“Ngunit hindi natin iko-kompromiso ang Rule of Law. Kailangan manaig ang batas sa anumang sitwasyon, sinuman ang tamaan. Kaya hindi ko hahayaang magtagumpay ang hangarin ng iba na hatakin ang buong bansa sa burak ng pulitika,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Igalang natin ang proseso. Tuparin natin ang batas. Alalahanin natin ang mandato na pinagkatiwala sa atin ng milyong-milyon na Pilipino. Magtrabaho po tayo sa ikauunlad ng Republika ng Pilipinas at para matamo ang Bagong Pilipinas,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Pangulong Marcos matapos ang banta ni Duterte.