VP Sara

VP Sara dapat patawarin ang sarili

28 Views

KUNG si House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V tatanungin dapat munang patawarin ni Vice President Sara Duterte ang sarili nito bago magpatawad sa iba.

Sa kanyang pahayag para sa Kapaskuhan sinabi ni Duterte na dahil magpapasko at opisyal siya ng gobyerno ang sasabihin niya ay magpatawad, magmahalan, at magbigayan “Pero po ako, hindi po talaga ako magpapatawad.”

Bilang reaksyon sa pahayag ng Bise Presidente, sinabi ni Ortega na “Sya po siguro ‘yun. Pero kung ako nasa lugar nya, siguro broad po kasi ang pagpapatawad.”

“So ang pinaka-una ko pong gagawin, papatawarin ko muna ‘yung sarili ko bago ako magpatawad ng ibang tao,” dagdag pa ni Ortega.

Binigyan-diin ni Ortega na ang pagpapatawad sa sarili ay isang mahalagang hakbang upang makapagpatawad sa iba.

“Kasi kapag napatawad mo na sarili mo sa mga pagkakasala mo o kung ano man nagawa mong masama, ‘yan lang ang panahon na makakapatawad ka ng ibang tao,” saad ni Ortega.

Umani naman ng mga reaksyon sa social media ang naging pahayag ni Duterte.

Tinapos ni Ortega ang kanyang pahayag sa pamamagitan ng pagbati ng “Merry Christmas.”