Calendar
ISA ang patay at anim ang nasa malubhang kalagayan nang araruhin ng Isuzu truck ang mga sasakyan sa kanyang unahan Biyernes ng gabi sa Skyway ng Grade Southbound, Brgy. Sun Valley, Parañaque City.
Hindi na umabot ng buhay ang hindi pa nakikilalang biktima sa Asian Hospital habang nananatiling wala pang malay ang isa sa anim na sugatan na pawang nasa malubhang kondisyon.
Sa inisyal na ulat ng SLEX Sub Office, mabilis na tinatahak ng Isuzu truck na may plakang JAO 6376 na minamaneho ng 53-anos na si Sonny Palen, residente ng Trece Martires, Cavite ang southbound lane ng Skyway nang mawalan umano ng preno pagdating sa Grade Southbound sa Brgy. Sun Valley.
Dahil dito, sinuyod ng Isuzu truck ang nasa unahan niyang Isuzu Dmax na bumangga naman sa sinusundang Mitsubishi L300, Kawasaki Ninja, sports utility vehicle na GAC, at isa pang Mitsubishi Mirage na nagdulot ng matinding pinsala sa mga biktima.
Kasalukuyang nasa SLEX Sub Office ang driver ng Isuzu truck habang inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injury at damaged to properties na isasampa sa piskalya laban sa kanya.