PBBM Kasama ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sinaExecutive Secretary Bersamin, DOF Secretary Ralph Recto, DBM Secretary Amenah Pangandaman, DPWH Secretary Manuel Bonoan, at NEDA Secretary Arsenio Balisacan sa pag-review ng 2025 national budget.

National budget para sa 2025 pinag-aaralan nina PBBM, ilang miyembro ng gabinete

Chona Yu Dec 18, 2024
10 Views

PINULONG ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang ilang miyembro ng Gabinete para pag-aralan ang 2025 national budget na aabot sa P6.352 trilyon

Kasama sa meeting sa Malakanyang sina Executive Secretary Bersamin, Finance Secretary Ralph Recto, Budget Secretary Amenah Pangandaman, Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan, at NEDA Secretary Arsenio Balisacan.

Layon ng hakbang na ito na masigurong ang 2025 national budget ay naaayon sa mga prayoridad ng pamahalaan.

Una nang sinabi ng Malakanyang na hindi matutuloy ang nakatakdang paglagda sa General Appropriations Act sa December 20.

Ayon kay Bersamin, ito’y upang mabigyan ng sapat pang panahon ang masusing review sa GAA.

Paliwanag pa ni Bersamin na ito ay upang bigyang-daan ang masusi at komprehensibong pagsusuri sa panukalang batas na magsisilbing gabay sa direksyon ng bansa sa susunod na taon.

Ipinunto ni Bersamin na ang pag-aaral sa panukalang 2025 national budget ay pinangungunahan mismo ni Pangulong Marcos sa pakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng mga pangunahing kagawaran.

Bagama’t wala pang eksaktong petsa kung kailan ito lalagdaan, ipinaliwanag ni Bersamin na may ilang mga probisyon at bahagi ng panukalang pambansang badyet ang ive-veto para sa kapakanan ng publiko, upang umayon sa fiscal program, at bilang pagsunod na rin sa mga umiiral na batas.

“The scheduled signing of the General Appropriations Act on December 20 will not push through to allow more time for a rigorous and exhaustive review of a measure that will determine the course of the nation for the next year,” pahayag ni Bersamin.

“While we cannot yet announce the date of the signing, we can now confirm that certain items and provisions of the national budget bill will be vetoed in the interest of public welfare, to conform with the fiscal program, and in compliance with laws,” dagdag ni Bersamin..

Una nang sinabi ni Pangulong Marcos na hahanapan niya ng paraan na maibalik ang P10 bilyong tinapyas na pondo ng Kongreso sa Department of Education.

Dinipensahan din ni Pangulong Marcos ang hindi paglalaan ng Kongreso ng budget para sa subsidiya sa PhilHealth.