Calendar
Tsansa na estudyante makapag-aaral tataas sa pagpapalawak ng SUC
SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetan ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state universities at colleges (SUCs) sa mga probinsya sa bansa.
Sa pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education na kaniyang pinamumunuan, tinalakay ni Cayetano ang hindi bababa sa 20 panukalang batas na magpapalakas sa tertiary education sa iba’t ibang lalawigan, kabilang ang Tawi-Tawi, Sultan Kudarat, at Bukidnon.
Kasama sa mga panukala ay ang paglikha ng mga bagong state college, pag-aangat sa status ng mga state college sa pagiging state university, at pag-convert sa regular campus ng mga satellite campus.
“We’ll try na talagang maipasa ito by our next session ng late January to early February. We’re just going through the requirements,” pahayag ni Cayetano.
Naka-adjourn o pansamantalang magsasara ang sesyon ng Senado sa December 20, 2024 at muling magbubukas sa January 13, 2025.
Sa pagdinig, ipinunto ni Cayetano na kapag pinalawak ang mga SUC ay mas malalapit ang edukasyon sa mga estudyante, kaya mababawasan ang gastos nila at tataas ang tsansa na makatapos sila ng pag-aaral.
Nakakahatak din aniya ng economic activity kapag may kampus sa isang komunidad.
“I’d really like to see the day na ang advisors ng mayors, governors, President are people from the academe. So the more the academe grows, the more the community grows,” wika niya.
Kasabay ng pagpapahayag ng suporta sa kanilang expansion, hinimok ni Cayetano ang mga SUC na tiyaking pareho ang kalidad ng edukasyon na ibibigay nila sa lahat ng kanilang campus.
“Parang restaurant: Kung napakasarap ng pagkain mo sa main branch, make sure na ‘pag ibang branch ka, consistent din ang quality,” paalala niya.
Sa pagdinig, nagpahayag din ng suporta ang Commission on Higher Education (CHED) sa mga panukala, basta’t susunod ang mga SUC sa requirement at minimum standards gaya ng pagkakaroon ng Certificates of Program Compliance para sa kanilang mga degree program.
Tiniyak ni Cayetano sa mga SUC na handa ang kanyang komite na tulungan sila sa pagtugon sa mga requirement na ito.
“The general rule is dapat kumpleto ang requirements, but I do believe in exceptions… So kung hindi kumpleto, let us know why, and let us see kung maja-justify natin,” pahayag niya.
“Kung kalahati ng requirements wala, we want to assist you but tell us how,” dagdag niya.