Calendar
PBBM ginawang P7K mula P5K gratuity pay ng mga COS, JO
DINAGDAGAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang gratuity pay sa mga contract of service at job order na nagtatrabaho sa gobyerno.
Base sa Administrative Order No. 28, mula sa P5,000 na gratuity pay, ginawa ito ni Pangulong Marcos na P7,000.
Kabilang sa mga kwalipikadong manggagawa sa ilalim ng COS at JO ay ang mga nakapagserbisyo ng hindi bababa sa apat na buwan alinsunod sa kanilang kontrata hanggang December 15, at ang mga may kontrata na epektibo pa hanggang sa nasabing petsa.
Sa mga kawani naman na mababa pa sa apat na buwan ang naiserbisyo hanggang nitong December 15, pro-rated basis ang ibibigay sa kanila
Ibig sabihin, sa mga naka tatlong buwan, hindi lalagpas sa P6,000 ang matatanggap, sa mga naka dalawang buwan, hindi lalagpas sa P5,000 ang matatanggap, at sa mababa pa sa dalawang buwan, hindi lalagpas ng P4,000 ang matatanggap.
Gayunpaman, ang halagang ibibigay ay subject sa discretion ng head of agency at sa available na pondo ng ahensiya.
Hinihikayat naman ang local government units na i-adopt ang nasabing kautusan depende sa kanilang available na pondo.
Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang AO No. 28 noong Disyembre 19, 2024.