67-anyos na lolo DOA sa ospital matapos suntukin ng kapitbahay

14 Views

DEAD on arrival sa isang ospital ang 67-anyos na lolo matapos suntukin ng nakaalitang kapitbahay sa Quezon City nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktima na si alias Cardo, at residente ng Brgy. Capri, Novaliches, Quezon City, habang nakatakas naman ang suspek.

Sa report ng Criminal Investigation and Detention Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang 8:00 ng gabi (December 22), nang maganap ang insidente sa harapan ng Aragdon Residence na matatagpuan sa Mulawin St., Brgy. Capri, Novaliches.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Lorenz Mappala, nakitang nagtatalo ang biktima at suspek pero agad din silang naawat ng mga kapitahay.

Pero, makalipas lamang ang ilang minuto ay rumesbak ang suspek at binigyan ng isang malakas na suntok sa mukha ang biktima dahilan para mawalan ito ng malay nang bumagsak sa lupa.

Agad tumakas ang suspek habang dinala naman ang biktima sa Hope General Hospital subalit idineklara na siyang dead on arrival ni Dr. Daryll Corpuz.

Lumabas sa cursory examination na nagtamo ng contusion sa kanang mata ang biktima na sanhi ng agaran nitong ikinasawi.

Iniimbestigahan pa ang motibo sa nangyaring krimen habang tinutugis pa ang nakatakas na suspek.