Senator Ramon "Bong" Revilla, Jr. Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr.

Babala sa NCSC: Ipatupad Expanded Centenarian Law o harapin galit ng mga lolo, lola

17 Views

NAGBIGAY ng mahigpit na babala si Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa National Commission of Senior Citizens (NCSC), na dapat nang ipatupad ang Republic Act 11982 o ang Expanded Centenarian Law pagsapit ng Enero 2025.

Binigyang-diin ni Revilla na ang anumang pagkaantala sa pamamahagi ng benepisyo ay maaaring magdulot ng galit mula sa mga matatanda na matagal nang naghihintay mula nang maisabatas ito noong Marso 2024.

“Huwag magkakamali ang NCSC na hindi ito agarang ipatupad. Hindi naman nila siguro idi-disappoint ang ating mga lolo at lola na inaabangan na ito since last March,” ani ni Revilla.

“Sigurado naman akong ayaw nilang harapin ang galit ng ating mga nakakatanda,” dagdag pa niya.

Ang Expanded Centenarian Act, na tinaguriang “Revilla Law,” ay nagbibigay ng cash gift sa mga senior citizen na umaabot sa mga milestone na edad. Ang mga aabot sa edad na 80, 85, 90, at 95 ay makakatanggap ng ₱10,000 bawat isa, habang ang mga centenarian o yaong aabot ng 100 taong gulang ay patuloy na makakatanggap ng isang beses na cash gift na ₱100,000.

“Sinugurado natin na mapondohan yan sa General Appropriations Act (GAA) o 2025 National Budget. Nakipag-ugnayan tayo sa DBM para garantisado ang pondo. Now it’s in the NCSC hands to fully implement it and ensure that no lolo and lola will be left behind,” pahayag ni Revilla. “Wala silang dahilan para hindi ito maipatupad.”

Ayon pa kay Revilla, halos 200,000 senior citizen ang makikinabang sa ilalim ng batas. Hinikayat niya ang NCSC na tiyaking masimulan na ang pamamahagi ng benepisyo sa tamang oras, aniya, “They have already been given enough time and funding.”