POGO Photo: Bureau of Immigration

BI: 11,254 sangkot sa POGO idedeport

Jun I Legaspi Jan 3, 2025
20 Views

KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) ang nakatakdang pagpapadeport sa kabuuang 11,254 na dayuhang sangkot sa operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) sa bansa.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, mula sa 33,863 na empleyado ng mga POGO sa ilalim ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), 24,779 ang nag-downgrade ng kanilang mga visa.

Umabot sa 22,609 ang umalis ng bansa bago ang deadline noong Disyembre 31.

Sinabi ni Viado na kanilang ide-deport ang mga hindi nag-downgrade at hindi umalis ng bansa bago ang deadline, gayundin ang mga nag-downgrade ngunit nabigong umalis.

Dagdag pa niya, obligasyon din ng mga kompanya na isuko ang kanilang mga POGO workers na nananatili sa bansa.

Binalaan ang mga kompanya na kung pagtatangkaan nilang itago ang mga ito, maaari silang kasuhan ng BI dahil sa pagtatago ng mga illegal alien.

“I have ordered our intelligence division to initiate the search for those at large,” ani Viado.

“They are considered illegal aliens now. Expect an intensified manhunt against these illegal aliens. The order of the President is clear. No more POGO in the Philippines. Foreign nationals who continue to disobey this will be arrested, deported, and blacklisted. No exceptions,” babala niya.