sara Source: HNP Media

Batang pumasok sa refrigerator para makaligtas sa landslide binisita ni Mayor Sara

197 Views

BINISITA ni vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte ang 11-anyos na bata na pumasok sa loob ng refrigerator upang makaligtas sa landslide sa gitna ng pananalasa ng bagyong Agaton.

Kinumusta ni Duterte si CJ Jasme na naka-confine sa Immaculate Concepcion Hospital sa Baybay City, Leyte.

Nakuha si Jasme sa loob ng refrigerator sa isinagawang rescue operation sa Barangay Kantagnos. Nagtamo ito ng mga sugat at bali sa katawan at nagpapagaling na sa ospital.

Hinimok ni Duterte si Jasme na lumaban anumang hamon ang dumating sa buhay nito.

Binisita rin ni Duterte ang 36 na iba pang typhoon survivor na naka-confine sa nabanggit na ospital.

Pumunta rin ang Davao City Mayor sa mga evacuation center sa Baybay City, at mga bayan ng Mahaplag, at Abuyog.

“Salamat sa inyong pagdawat sa amoa dinhi. Niadto mi diri para bisitahon ug kumustahon mo gikan sa inyong giagian na trahedya (Salamat sa pagtanggap niyo sa amin dito. Pumunta kami dito para bisitahin at kumustahin kayo mula sa naranasan niyong trahedya),” sabi ni Duterte.

Hiniling ni Duterte sa mga lokal na pamahalaan na bilisan ang pagtulong sa mga nasalanta upang agad na makabangon ang mga ito.