Lindol

Aftershocks sa lindol sa S. Leyte, Zamboanga del Norte inaasahan

Zaida Delos Reyes Jan 23, 2025
14 Views

MAGKASUNOD na niyanig ng lindol ang Southern Leyte at Zamboanga del Norte noong Huwebes.

Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa 5.8 magnitude ang lindol na naramdaman sa Southern Leyte at 5.4 magnitude naman ang yumanig sa Siocon, Zamboanga del Norte.

Dakong alas-7:45 ng umaga umabot sa 5.9 magnitude ang pagyanig na kalaunan ibinaba sa 5.8.

Ang sentro ng lindol naramdaman sa San Francisco, Southern Leyte. Mayroon itong tectonic origin at may lalim na 14 na kilometro.

Naramdaman ang intensity VI na lindol sa San Francisco, Southern Leyte; intensity 5 sa Anahawan, Hinunangan, Hinundayan, Libagon, Liloan, Padre Burgos, Pintuyan, San Juan at San Ricardo, Southern Leyte.

Umabot sa Intensity IV ang naramdaman sa Abuyog, Bato, Baybay City, Hilongos, Hindang at Inopacan, Leyte; Bontoc , Limasawa, Maasin City, Macrohon, Malitbog, Saint Bernard, Silago, Sogod at Tomas Oppus, Southern Leyte.

Intensity 3 naman ang naramdaman sa Cebu City, Alangalang, Albuera, Barugo, Burauen, Carigara, Dagami, Dulag, Jaro, Javier, Julita, Kananga, Macarthur, Mahaplag, Mayorga, Merida, Palo, Santa Fe, Tanauan at Tolosa sa Leyte at Surigao City.

Intensity II ang naramdaman sa Babatngon, Isabel, at Palompon, Leyte at Cagayan de Oro City.

Inaasahan ng Phivolcs na magkakaroon ng aftershocks ang lindol at mayroon ding naitalang pinsala sa mga lugar na naapektuhan nito.

Pansamantalang sinuspinde ang klase sa mga eskwelahan sa Zamboanga Peninsula kasunod ng magnitude 5.4 na lindol na yumanig sa Siocon, Zamboanga del Norte.

Napag-alaman na ang Zamboanga Peninsula 2 kilometro lamang ang layo sa sentro ng lindol na nasa southeast ng bayan ng Siocon at may lalim na 32 kilometro.