Quimbo

Quinta Comm tuloy ang imbestigasyon sa rice importers

43 Views

PATAULOY ang pag-iimbestiga ng House Quinta Comm, na kilala rin bilang Murang Pagkain Super-Comm, sa mga rice importers upang malaman kung mayroon silang papel kaya nananatiling mataas ang presyo ng bigas sa mga palengke kahit na ang landed cost nito ay P36 kada kilo lamang.

Sa pagdinig ng komite, na pinamumunuan ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, hiniling ng mga mambabatas ang mas malalimang pagsisiyasat sa posibleng sabwatan at manipulasyon ng presyo ng bigas.

Kinuwestyon ni Marikina 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo ang pagtaya na walang ambag ang mga importer sa mataas na presyo ng bigas, gayong ganito ang sitwasyong natuklasan sa imbestigasyon ng House Committee on Agriculture and Food, sa pamumuno ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, kaugnay sa onior cartel.

“Let’s just not dismiss hastily the possibility na merong cartel, may collusion, may magic na nangyayari sa presyo ng bigas at may pagsasabwatan na ang pwedeng involved diyan ay ang mga importers,” ani Quimbo

“Kung P36 ang landed cost ng importers, bakit hindi natin nakikita ang P36 rice in the market? That’s the mystery. Something is happening,” punto niya.

Tinukoy ni Quimbo, na siya ring acting chairperson ng makapangyarihang House Committee on Appropriations, ang pagkakatulad sa pagtaas ng presyo ng bigas at sibuyas, kung saan ang mga importer at trader ay hawak ang kontrol sa lokal at imported na suplay.

Ayon sa kinatawan ng Philippine Competition Commission (PCC) iniimbestigahan na niya ang mga importer ng bigas sa mga lugar na may mataas na inangkat na bigas ngunit hindi bumababa ang presyo nito.

“We see the areas with deficiencies are also the places with high imports and the prices are not moving down, so we look into those importers in those areas,” paliwanag ni PCC Enforcement Office Director Christian Loren Delos Santos

Kinumpirma din niya na ilan sa mga importer na ito ay natukoy na ngunit hindi pa pinangalanan dahil nagpapatuloy ang kanilang pagsisiyasat.

Kailangan naman, ani Quimbo ng kagyat na aksyon lalo na ang inaasahan sanang mas murang bigas ay hindi natupad.

“Dun sa mga lugar kung saan maraming rice importers ay natuklasan ninyo ay dun din ang mga presyo ng bigas ay hindi bumababa,” saad niya.

Nagbabala si Quimbo sa mga importer na kinikontrol ang mga imported at lokal na stock ng bigas na kanilang nakita nang imbestigahan ang kartel sa sibuyas.

“If the importing entity is also the one that purchases the local produce, then they now control both local and imported, which was what we found with the onion cartel,” aniya

Sinang-ayunan ito ni Bulacan 2nd District Rep. Tina Pancho at tinukoy ang epekto ng pagpe-presyo ng mga importer sa supply chain.

“I agree with the Hon. Stella Quimbo that we cannot disregard the participation of importer kung bakit nagkaroon tayo ng price increase,” ani Pancho.

“Ang importer ang magdi-dictate ng price eh,” dagdag ni Pancho na ipinaliwanag kung paanong ang gastos ng mga importer ay ipinapasa sa mga wholesalers, retailers, at mamimili.

Pero punto ni Salceda na ang imported na bigas at 22 porsyento lamang ng suplay ng bansa at ang 79 porsyento ay mula sa lokal.

“How can 22% dictate 78%? Then it’s not the importer anymore,” sabi ni Salceda.

Gayunman, aminado siya na kailangan na silipin pa ang financial at operational practice ng mga importer.

Katunayan ang iniimbestigahan na aniya sila ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang posibilidad ng iligal o hindi deklaradong kita ng mga importer.

“If we cannot catch them by their declarations here, we will catch them by [ALMC],” ani Salceda.

Kinumpirma din niya na inaalisa na ang bank records at tax filings ng naturang mga importer.

“Pinatingnan na rin natin sa BIR para klaro if they’re making obscene profits or if not they’re not declaring. So we’ll do an Al Capone. We will catch them where it hurts,” wika ni Salceda

Hiling naman ni AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones ang mas maigting na tugon kaugnay sa P13-P14 na diperensa sa ibinabang taripa at presyo ng bigas sa world market.

“Malinaw na merong hinahanap tayong P7 ang effect ng baba ng 20% tariff, P7 din sa pagbaba ng world market price. ’Di natin pwede sabihin na walang kumita o nagsamantala,” saad ni Briones

Mungkahi niya na gumawa ng isang enforcement task force sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act para imbestigahan ang profiteering sa sektor ng bigas.

Una nang tinukoy ng komite ang Bly Agri Venture Trading, Atara Marketing Inc., Orison Free Enterprise Inc., Macman Rice and Corn Trading, King B Company, Sodatrade Corp., Lucky Buy and Sell, Vitram Marketing Inc., Nan Stu Agri Traders, at RBS Universal Grains Traders Corp bilang nangungunang mga importer ng bigas.

Sa naturang pag-dinig ay pinuna ni Enverga estado at pagiging lehitimo ng Orison Free Enterprise Inc.

Ang naturang kompanya na nag angkat ng nasa 205 milyong kilo ng bigas noong nakaraang taon ay natuklasan na mayroon kuwestyon sa inirehistrong address at iba pang kaduda-dudang importation activities.

Ayon kay Bureau of Customs (BOC) Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, hindi na operational o sarado na ang Orison sa idineklara nitong address sa Quiapo, Manila.

Bagamat na hanapo aniya ng kanilang intelligence division ang opisyal ng korporasyon, lumalabas sa barangay certification na ang kompanya ay wala sa idineklarang address.

Isiniwalat din ng kinatawan mula Bureau of Plant Industry (BPI) na inisyuhan ng show-cause order ang Orison dahil sa pagsusumite ng hindi tamang impormasyon sa proseso ng pagkuha nito ng lisensya.

Suspendido na ang operasyon ng kompanya at walang inihain na application para mag-angkat sa 2025.

Inatasan ni Enverga, co-chair ng Quinta Comm ang National Bureau of Investigation na beripikahin ang pagiging lehitimo ng kompanya at imbestigahan ang importation records nito.

Hiningi rin niya ang sanitary and phytosanitary import clearance ng Orison mula 2023 at 2022 para masuri ang kanilang mga aktibidad.

Nanawagan naman si Quimbo sa PCC na isapinal na ang kaso sa ontion cartel para matindigan ang kanilang kredibilidad sa pagtugon sa mga kahalintulad na isyu sa bigas.

“Once you’ve been able to finally make a decision on the onion cartel case, maniniwala na kami na kaya niyo pala,” ani Quimbo.

“Tingin ko talaga sila ang makaka-solve ng rice cartel problem or mystery,” diin niya.