Calendar
Tagumpay ng WEF 2025 magbibigay ng kasaganahan sa PH — Madrona
OPTIMISTIKO ang chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na magbibigay ng kasaganahan para sa Pilipinas partikular na sa larangan ng ekonomiya at turismo ang pakikilahok ng bansa sa idinaos na 2025 World Economic Forum Annual Meeting.
Ayon kay Madrona, malaki ang kaniyang paniniwala na napaka-positibo ang idudulot ng matagumpay na 2025 WEF na idinaos sa Davos kung saan maraming mga dayuhang negosyante ang posibleng ma-enganyong maglagak ng kanilang puhunan at magtayo ng negosyo sa Pilipinas lalo na sa larangan ng turismo.
Pagdidiin ng kongresista na naipakita ng mga Philippine delegate sa WEF sa pangunguna ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na ang bansa ay hindi lamang isa sa mga nangungunang “tourist destination” sa buong mundo kundi isa rin itong global Investment na magandang paglagakan ng negosyo at puhunan.
Dahil dito, sinabi ni Madrona na ang pagkakaroon ng mga negosyo sa Pilipinas bunga ng matagumpay na WEF ay mangangahulugan ng napakaraming trabaho para sa mga Pilipino na makakatugon naman sa problema ng pamahalaan tungkol sa unemployment.
Pinapurihan din ni Madrona sina Speaker Romualdez at President Bongbong R. Marcos, Jr. dahil sa kanilang pagsisikap upang mapabuti ang kalagayan ng bansa kabilang na ang pagsusulong ng Philippine tourism na itinuturing na isa sa mga “economic pillars” ng Pilipinas.
Si Speaker Romualdez ay kabilang sa mga panelist sa talakayan sa WEF. Kung saan ibinahagi nito ang isang hindi inaasahang pagtatagpo ng mga prominenteng industrialist mula sa India noong WEF 2024 na nauwi sa produktibong pakikipag-tulungan para sa isang lokal na negosyo.