Calendar
Huwag iboto mga kandidatong Makapili —Valeriano
“HUWAG iboto ang mga kandidatong Makapili”
Ito ang sinabi ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano bilang suporta sa naging panawagan ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st Dist. Rep. Jefferson “Jay” Khonghun sa publiko na huwag iboto ang mga kandidato ng pumapabor sa interes ng China.
Binigyang diin ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na napakahirap umanong pagkatiwalaan ang mga kandidatong sa halip na isulong ang interes ng kapwa nila Pilipino ay mistulang pumapabor o kumakampi pa sa China.
Ayon pa kay Valeriano, tama ang naging pahayag ng kapwa nito mambabatas (Khonghun) na mahirap maihalal at mapagkatiwalaan ang mga kandidatong pro-China sapagkat maaaring makompromiso ang sobereniya ng Pilipinas.
Ipinaliwanag nito na hindi interes at kapakanan ng mga Pilipino ang isusulong ng mga kandidatong ito kundi ang interes ng China dahil siguradong hindi nila magagawang tutulan ang harassment na ginagawa ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Tiwala si Valeriano na may mga Pilipino parin ang magda-dalawang isip na iboto ang mga kandidatong pro-China batay sa resulta ng Pulse Asia sa pamamagitan ng Stratbase ADR kung saan 73% ng mga Pinoy ang hindi sumusuporta sa mga kandidatong mistulang kumakampi sa China na isang pagpapakita ng kanilang pagiging maka-bayan.
Pagdidiin pa ng Metro Manila solon na marahil ay hindi masisikmura ng mga Pilipino na iluklok sa puwesto ang mga kandidato na walang kakayahang ipagtanggol ang sobereniya ng Pilipinas laban sa China sa gitna ng patuloy na panggigipit nito.
Sinabi pa ni Valeriano na napaka-halagang pumili ang mga botante ng isang kandidato na ang isinasa-alang alang ay ang kapakanan ng mga Pilipinong mangingisda na nakakaranas ng paggigipit mula samga tauhan ng Chinese Coast Guard.