Calendar

Kontribusyon nina Erap, Loi sa mga Pinoy kinilala sa Senado
PINAGTIBAY ng Senado kamakailan, ang mga resolusyong kumikilala sa kontribusyon ng dating Pangulo Joseph Ejercito Estrada at dating Senadora Luisa “Dra. Loi” Ejercito Estrada sa paglilingkod-bayan at kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, anak ng dating pangulo at senadora, isang napakagandang pagkilala ang ipinagkaloob ng Senado sa kanyang mga magulang. “It is an honor beyond words—one that my family and I will cherish forever,” aniya, sabay paggunita sa mga pagpapahalagang itinuro sa kanya ng kanyang ama at ina—katapatan, dedikasyon, at responsibilidad sa bayan.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Senador Joseph Victor “JV” Ejercito, na nagsabing nananatiling buhay sa Senado ang diwa ng paglilingkod ng kanyang ama. “He told me to always fight for the greatest good and the greatest number. Lagi niyang sinasabi sa akin, ‘Labanan mo palagi para sa mahihirap,’” ani Ejercito.
Kasama sina Senate President Francis “Chiz” Escudero at iba pang senador, dumalo ang pamilya Estrada sa seremonya ng pagkilala. Sa kanyang talumpati, binalikan ni Joseph Estrada ang kanyang paglalakbay mula sa pagiging aktor hanggang sa pagpasok sa serbisyo publiko. “I never imagined that a college dropout and former actor would serve in the highest offices of government,” aniya, habang inalala ang kanyang mga pagsubok at natutunan sa pulitika.
Samantala, binalikan ni Senadora Grace Poe ang matagal nang pagkakaibigan ng kanyang amang si Fernando Poe Jr. at ni Estrada, na tinawag niyang “the naughty one” kumpara sa imahe ng kanyang ama bilang “perfect gentleman.” Ipinunto rin ni Poe ang mga nagawa ni Estrada sa pulitika, kabilang ang pagiging isa sa ‘Three Outstanding Senators of the Year’ ng Philippine Free Press noong 1989.
Kinilala rin ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang dating pangulo bilang isang pinunong nag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod sa mahihirap. “His passion for social welfare programs has left an enduring impact on countless lives,” aniya. Dagdag pa ni Go, nararapat ding bigyang-pugay si Dra. Loi Ejercito Estrada sa kanyang pagsusumikap sa larangan ng kalusugan at serbisyong panlipunan.
Binigyang-diin naman ni Senadora Nancy Binay na hindi lamang dapat kilalanin si Dra. Loi bilang asawa ng dating pangulo. “Huwag natin siyang tingnan bilang asawa lang ni Pangulong Erap. Isa siyang doktor, isang lingkod-bayan na may sariling pagkilala at ambag sa bayan,” aniya, habang binanggit ang kanyang trabaho sa mga pampublikong ospital at programang pangkalusugan.
Ayon naman kay Senador Win Gatchalian, si Estrada ay isang lider na, sa kabila ng mga hamon sa politika, ay nanatiling tapat sa serbisyo publiko. “Leadership is not just about success—it is about resilience, about rising and serving again,” aniya. Dagdag pa niya, hindi dapat kalimutan ang malaking naiambag ni Dra. Loi sa bansa. “A woman who shaped this nation in ways we must never forget,” ani Gatchalian.
Sa pamamagitan ng pagpapatibay ng Senate Resolution Nos. 1295 at 1296, kinilala ng Senado ang malawak na kontribusyon ng mag-asawang Estrada sa pulitika at paglilingkod sa bayan.