Ibay Iniharap kay MPD Chief P/BGen. Arnold Thomas Ibay (kaliwa) ang suspek sa pagpatay na naaresto sa pamumuno ni PLt. Ferdinand Omli sa Parola compound, Tondo, Manila. Kuha ni Jon-Jon Reyes

Suspek sa pagtodas, nahuli sa Tondo

Jon-jon Reyes Feb 8, 2025
20 Views

TIMBOG sa mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang isang obrero na may kasong pagpatay sa Jacinto St., Tondo, Manila noong Huwebes.

Nakatira sa gate 12, Parola compound, Tondo, Manila ang nahuling si alyas Micheal, ayon sa police report.

Nasakote ang suspek bandang alas-11:00 ng umaga ng mga pulis na nakatalaga sa MPD-Delpan police station 12 sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Maria Lourdes Estrada Mislang, Presiding Judge ng Manila City Regional Trial Court Branch 39.

Batay sa report, primary suspect ang naaresto sa kasong pagpatay noong Abril 15, 2024 dakong alas-12:00 ng hatinggabi sa bahay sa Brgy. 123, Moriones, Tondo.

Ayon sa pulisya, pinagsusuntok ng suspek ang biktima matapos maaktuhan na kasama nito ang kanyang ka live in sa kuwarto habang gumagamit ng ilegal na droga.

Naitakbo pa ng mga residente ang biktima sa ospital subalit makaraan ang 3 araw binawian rin ng buhay.

Nagtago ang suspek sa Pasay at namasukan bilang stay-in helper upang hindi matunton ng mga pulis.