Calendar
![Martin](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Martin-7.jpg)
Speaker Romualdez pinuri naabot ng Customs
Hinamon na palaksin pa kampanya vs agri smuggling
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Bureau of Customs (BOC) sa pinaigting nitong kampanya laban sa smuggling na nagresulta sa pagkakasamsam ng P85.1 bilyong halaga ng kontrabando at ang matagumpay na pagsasagawa ng mahigit 2,100 anti-smuggling operations noong 2024.
Habang kinikilala ang mga mahahalagang tagumpay ng BOC, muling iginiit ni Speaker Romualdez ang agarang pangangailangan na palakasin pa ang pagpapatupad ng batas laban sa agricultural smuggling, na patuloy na banta sa mga lokal na magsasaka at sa seguridad sa pagkain.
“Maganda ang ginagawa ng Customs sa paglaban sa smuggling, pero hindi tayo dapat huminto. Kailangang mas paigtingin ang kampanya lalo na laban sa agricultural smuggling na sumisira sa kabuhayan ng ating mga magsasaka at nagpapahirap sa taumbayan,” diin ni Romualdez.
Ipinunto rin ng Speaker ang nakakabahalang mga ulat tungkol sa malalaking bulto ng bigas na naiwan sa mga pantalan at ang pagtatambak ng mga imported na frozen chicken, na nagpapalakas ng hinala na may nagaganap na manipulasyon sa suplay.
Binigyang-diin niya na ang ganitong imoral at iligal na gawain ay nagpapahirap sa mga magsasaka at mamimili, nilalabag ang patas na presyo, at inilalagay sa panganib ang seguridad sa pagkain ng bansa.
“Huwag nating hayaang magamit ang smuggling at hoarding bilang sandata laban sa ating ekonomiya. Dapat supilin ang mga sindikato at tiyakin na ang pagkain ay abot-kaya ng bawat Pilipino,” ani Romualdez.
Nanawagan si Romualdez ng mas mahigpit na kontrol sa mga hangganan, mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, at mas mabilis na pagsasampa ng kaso laban sa mga smuggler upang mabuwag ang kanilang mga operasyon.
Binanggit niya na ang smuggling ay hindi lamang isang problemang pang-ekonomiya kundi isang direktang pag-atake sa mga magsasaka, mamimili at sa katatagan ng bansa.
“Hindi pwedeng basta hulihin lang ang mga puslit na produkto. Kailangang wasakin ang buong sindikato ng smuggling. Hindi lang ito laban ng Customs—laban ito ng buong gobyerno para sa taumbayan,” iginiit niya.
Habang kinikilala ang tagumpay ng Customs sa pagharang ng mga iligal na kargamento, hinimok ni Romualdez ang mga awtoridad na tugunan ang mga sistematikong kahinaan na nagpapahintulot sa pagpasok ng mga puslit na produkto sa bansa.
Kabilang sa kanyang mungkahi ang paggamit ng advanced monitoring technology, mas mahigpit na pagsubaybay sa mga agricultural import, at agarang aksyon laban sa mga nagpapadali ng smuggling, maging sa pribado o pampublikong sektor.
Higit pa sa pagpapatupad ng batas, binigyang-diin ni Romualdez ang pangangailangan ng mga pananggalang ng gobyerno laban sa manipulasyon ng presyo upang matiyak ang patas na kalagayan ng pamilihan para sa mga magsasaka at mamimili.
Muling pinagtibay niya ang pangako ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagsuporta sa mga panukalang batas na magpapalakas sa kakayahan ng Customs sa pagpapatupad ng batas at magpapatatag sa presyo ng pagkain.
“Ang laban sa smuggling ay hindi lang tungkol sa pagsamsam ng puslit na produkto. Ito ay tungkol sa pagprotekta sa kabuhayan ng ating mga magsasaka at sa kapakanan ng bawat Pilipino.
Kailangang ipakita ng gobyerno na seryoso tayo sa pagsupil sa mga nagsasamantala,” aniya.
Ipinahayag ni Speaker Romualdez ang kanyang kumpiyansa na sa pamamagitan ng patuloy na pagbabantay at matapang na aksyon, mapipigilan ang agricultural smuggling, mapapabuti ang kalagayan ng mga magsasakang Pilipino, at mapoprotektahan ang mga mamimili laban sa hindi patas na kalakalan.