Gabinete

Performance ng gabinete, isa-isang sinusuri ni PBBM

Chona Yu Feb 25, 2025
15 Views

ISA-ISANG sinusuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang performance ng mga miyembro ng gabinete.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ito ay para malaman ng punong ehekutibo kung kailangang palitan ang lider ng isang kagawaran.

Sa ngayon, sinabi ni Castro na wala pa namang balasahan sa gabinete.

“Every time kailangan namang mag-evaluate ng Pangulo eh kung ang kaniyang secretaries, Cabinet members are doing well for the government, for the people,” pahayag ni Castro.

“Pero as of now, wala pa po talaga,” dagdag ng opisyal.

Una nang kumalat ang espekulasyon na papalitan ni Pangulong Marcos sina Presidential Security Command (PSC) Major General Jesus Nelson Morales at Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy.

Kasabay nito, sinabi ni Castro na asahan na rin na magkakaroon ng balasahan sa Presidential Communications Office matapos manumpa sa tungkulin si Secretary Jay Ruiz.

“Sinabi niya po talaga na magkakaroon ng pagbabago at maaaring may ma-retain, maaaring may mawala. So, hintayin po natin kung ano iyong magiging order ni Secretary Jay Ruiz,” pahayag ni Castro.