Calendar

Operasyon ng PIGOs hiniling na suriin
“KUNG bawal ang offshore na pasugalan, hindi ba dapat mas lalo ang inland na mga Pilipino pa ang mismong binibiktima?
Ito ang sinabi nii Senate President Francis “Chiz” G. Escudero kung saan ay nais niyang magkaroon ng pagsusuri sa epekto ng mga lisensyang ibinigay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa Philippine Inland Gaming Operators (PIGOs) upang matukoy kung dapat pa itong ipagpatuloy, lalo na’t madaling ma-access ng maraming Pilipino ang mga online gaming operations na ito.
Ayon kay Escudero, hindi gaanong napansin ang operasyon ng PIGOs dahil sa mga kontrobersiyang bumalot sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Gayunman, nagpahayag siya ng pangamba na halos pareho lang ang online games na inaalok ng PIGOs sa mga lokal na manlalaro.
“Ang POGO, mga dayuhan ang nagsusugal diyan, dayuhan ang nasisira ang pamilya, nalululong sa sugal, nawawalan ng pera dahil sa sugal. Pinagbawal natin, pero pinayagan natin ‘yung PIGO—Philippine Inland Gaming Operations—kung saan ang nagsusugal ay Pilipino, hindi dayuhan,” ani Escudero sa isang press conference nitong Biyernes.
“Ang nawawalan at nauubusan ng pera ay Pilipino at hindi dayuhan, at malamang sa malamang ‘yung mga dating POGO ay nagtatago sa likod ng PIGO,” dagdag niya.
Iginiit ng Senate President na kung pareho lang ang mga isyung ibinato laban sa POGOs at PIGOs, dapat din umanong magkaroon ng pantay o higit pang pagsasaalang-alang sa epekto nito sa bansa.
“Marahil dapat ay tignan at review-hin din ito dahil ‘yung mga sinusubukan nating iwasang masasamang bagay, pagkakamali, pagkukulang ay tila nand’yan din sa PIGO na ang tatamaan pa ay sarili natin mismong kababayan at hindi mga dayuhan lamang,” aniya.
Hinimok ni Escudero ang PAGCOR na magsagawa ng malalim at transparent na pagsusuri sa operasyon ng PIGOs upang matukoy kung nakikinabang nga ba ang bansa rito at upang magkaroon ng malinaw na larawan ang publiko tungkol sa epekto ng online gaming.
“Pwede bang makuha ‘yung datos mula sa PAGCOR? Pwede bang makuha natin ‘yung datos mula sa anumang relevant government agency kabilang ang BIR (Bureau of Internal Revenue)? Magkano nga ba nakukuha natin dito? And like the questions we ask in relations with POGO, is it worth it?” dagdag niya.
Kung mapapatunayan na ang PIGOs ay nagdudulot ng negatibong epekto, partikular sa mahihirap at sa mga may limitadong kita, sinabi ni Escudero na dapat nang pag-isipan ng pamahalaan kung kinakailangang ipagbawal din ito, tulad ng ginawa sa POGOs.
“Alam ko malaking pera ang nakukuha ng PAGCOR dito. Malaking source of revenue ito at income sa parte ng pamahalaan, pero kung natatalikuran nga nila ‘yung malaking revenue at income din sa POGO, walang rason para hindi nila kayang talikuran din ‘yung malaking income sa PIGO kung nakakasama na talaga na ito sa ating mga kababayan na sa palagay ko ay oo,” aniya.
Binalikan din ni Escudero ang naging utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022 na ipagpatuloy ang suspensyon ng lahat ng e-sabong operations sa buong bansa dahil sa masamang epekto nito sa mga Pilipino.
Noong Hulyo ng nakaraang taon, inihayag ni Pangulong Marcos sa kanyang State of the Nation Address na ipagbabawal na ang lahat ng POGO operations sa bansa simula Disyembre 2024.