Calendar

Pambansang Kamao di rin nakaligtas sa fake news, kumalat na pumanaw na
SAN JOSE DEL MONTE, BULACAN – Maging si “Pambansang Kamao” at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao ay hindi pinaligtas ng “fake news” matapos kumalat sa social media na ito ay pumanaw na.
Dahil dito, kinakatigan ni Pacquiao ang panukala ng mga kasamahan nitong kandidato na dapat magkaroon ng mas mahigpit na batas laban sa lumaganap na fake news at disinformation sa social media kung saan hindi indispensable ang sinoman indibiduwal.
Ayon kay Pacquiao, kahit siya ay hindi pinalampas ng mga taong nasa likod ng palasak na fake news sa social media kaya dapat lamang na bumalangkas ng isang batas na tuluyang sasawata sa pagpapakalat ng mga mali at mapanirang impormasyon.
“Ako din po ay biktima ng fake news news. Maraming beses na, minsan pagbasa ko ng Facebook. Nakalagay duon, paalam Manny Pacquiao. Namatay na raw ako, anduon nakalagay na namatay na daw ako. Hindi ka namin makakalimutan,” natatawang winika ni Pacquiao.
Bagama’t nakakatawa ang naging karanasan ng dating Senador. Subalit binigyang diin naman nito na may ilang indibiduwal ang gumagamit ng kaniyang pangalan para magbigay ng pera habang ang iba naman ay nanghihingi ng pera sa mga taong kinokontak nila.
“May tao din na ginagamit yung pangalan ko para magbigay ng pera tapos hihingi ng pera duon sa mga kinokontak nila. Hindi po ako gumagawa ng ganoon, kung sinoman po ang gumagawa nito.
Dapat itigil na niya, kasi ako po mismo ang nagbibigay ng tulong,” sabi pa nito.
Sabi ni Pacquiao na siya mismo ang nagpapadala ng tulong sa mga taong lumalapit sa kaniya. Kaya kung sakali aniyang mayroong lalapit sa kanila na nagpapakilalang sila’y emisaryo nito (Manny Pacman). Dagdag pa nito na hindi sila dapat maniwala.