Pagtatanggal ng E-VAT sa kuryente muling pinanindigan ni Pacquiao

Mar Rodriguez Mar 1, 2025
17 Views

Pambansang KamaoSAN JOSE DEL MONTE, BULACAN – Muling pinagtibay ni “Pambansang Kamao” at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) Senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao ang kaniyang paninindigan na panahon na para tanggalin ang ipinapataw na Expanded Value-Added Tax (E-VAT) sa binayarang kuyente.

Sa ginanap na press conference sa Hotel Savano, binigyang diin ni Pacquiao na bagama’t napakahalaga para sa isang gobyerno ang mga ipinapataw na buwis. Subalit iginiit nito na hindi dapat ipasa ang sinisingil na buwis sa mga ordinaryong Pilipino partikular na sa panahon na mataas ang singil sa kuryente.

Ikinatuwitran ni Pacquiao na sakaling aalisin ng pamahalaan ang ipinapataw na E-VAT. Nais nito na maging mura lamang ang binabayarang kuryente na abot-kaya para sa isang ordinaryong mamamayan na hindi kalakihan ang kanilang kinikita.

“Ako, kung aalisin natin yang E-VAT. Ang gusto ko mura lang ang kuryente kasi makakaya o makaka-afford yung ating mga kababayan. Lalo na ang mga kababayan natin na hindi naman malaki ang kanilang kinikita, hindi dapat ito ipasa sa mga mahihirap,” wika ni Pacquiao.

Sabi din ng dating Senador na ang Pilipinas ang isa sa mga bansang may pinakamahal na singil sa kuryente (expensive electricity rates). Kung kaya’t muling inilatag ni Pacquiao ang kaniyang naunang panukala patungkol sa paggamit ng nuclear energy.

Ayon kay Pacquiao, ang isinusulong nitong adbokasiya ay ang paggamit ng nuclear energy bilang alternatibong solusyon upang mapababa ang presyo ng kuyente sa bansa na posibleng makahikatay ng napakaraming investors para magtayo ng kanilang negosyo sa Pilipinas.

“Divided by four pa yung presyo ng kuryente kung magkano ang binabayaran mo ngayon. Kailangan natin pag-aralan kung ano yung epekto taon-taon malaki ang ginagastos natin kaysa kinikita, kaya lagi tayong nangungutang,” dagdag pa nito.