Khonghun Zambales Rep. Jay Khonghun

Defense department dapat palakasin laban kontra foreign espionage — Rep. Khonghun

Mar Rodriguez Mar 2, 2025
29 Views

KASUNOD ng mga ulat na naaresto ang mga hinihinalang Chinese spies na tumitiktik sa mga ahensya ng bansa, nanawagan si House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales kay Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro na lalo pang palakasin ang seguridad sa mahahalagang pasilidad ng gobyerno, kampo militar at embahada sa buong bansa.

Ipinunto ni Khonghun, chairman ng House special committee on bases conversion, ang kagyat na pangangailangang hadlangan ang pang-eespiya ng mga dayuhan na banta sa pambansang seguridad.

Nababahala ang lider ng Kamara mula sa Zambales na maaaring nakapailalim na ang dayuhang paniniktik sa mga national security infrastructures ng bansa.

“Hindi ito simpleng kaso ng mga dayuhang na-curious sa ating gobyerno. May intensyon ito, may plano. Hindi natin puwedeng ipagkibit-balikat. Kailangan nating tiyakin na may sapat tayong depensa laban sa paniniktik ng ibang bansa,” ayon kay Khonghun.

Pahayag ni Khonghun, mahalagang mabunyag ang mga dayuhang sangkot, ngunit kailangang suriin at patatagin din ang mga internal security protocol.

“Hindi sapat ang simpleng pagkondena. Kailangan nating palakasin ang ating counterintelligence, tiyakin na may sapat tayong teknolohiya para mapigilan ang paniniktik, at palawakin ang koordinasyon ng ating mga ahensya,” wika ni Khonghun.

Noong Pebrero 20, inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang limang indibidwal—dalawang Chinese national at tatlong Pilipino—dahil sa hinihinalang paglabag sa Espionage Act.

Ibinunyag ng mga awtoridad na ang grupo ay umano’y nagsasagawa ng surveillance sa mga sensitibong lokasyon sa Metro Manila, kabilang ang Malacañang, headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Nadiskubre ng NBI na ang grupo ay gumagamit ng mga sasakyang may kasamang international mobile subscriber identity (IMSI) catchers, mga aparatong kayang sumagap at makialam sa mobile communications.

Ayon sa mga Pilipinong suspek, inupahan sila bilang mga driver ng isang Chinese national, na binabayaran ng ₱2,500 hanggang ₱3,000 kada araw, at inutusan silang magmaneho malapit sa mga pasilidad ng gobyerno.

Sa isang follow-up operation, nahuli ang dalawang Chinese na suspek sa isang condominium sa Malate, Manila.

Nasundan pa ito ng kaparehong insidente noong Enero 2025, kung saan limang Chinese national ang inaresto dahil sa umano’y pagmamanman sa mga operasyon ng Philippine Coast Guard at Navy sa Palawan. Natuklasan na nag-install ang mga suspek ng high-resolution, solar-powered na mga camera na nakatutok sa critical maritime activities, kabilang ang mga resupply mission para sa mga tropang nakatalaga sa West Philippine Sea.

Sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad kamakailan, natagpuan ang mga unauthorized surveillance devices at mga detalyadong mapa ng mga restricted government zones na hawak ng mga suspek.

Ipinapakita ng mga natuklasang ito ang isang planadong pagtatangkang makapasok at mangalap ng sensitibong impormasyon.

Nauna nang binigyang-diin ni Teodoro ang mga isyung ito at hinimok ang mga foreign entity na igalang ang soberanya ng Pilipinas.

Hindi lang ang Pilipinas ang humaharap sa banta ng dayuhang paniniktik. Ayon sa ulat ng CrowdStrike noong 2025, tumaas ng 150 porsyento ang cyber espionage na iniuugnay sa China, na ang pangunahing target ang mga industriya ng finance, media at engineering.

Samantala, iniulat din ng Taiwan ang pagtaas ng mga kaso ng hinihinalang paniniktik ng China, kung saan nagsampa ng kaso ang mga awtoridad laban sa ilang indibidwal, kabilang ang mga military personnel, dahil sa umano’y paglabas ng mga sensitibong impormasyon.

Kinilala ng US ang dayuhang paniniktik bilang isang malaking banta, at nagbabala ang FBI laban sa sistematikong pagnanakaw ng state at corporate secrets.

Nanawagan si Khonghun ng agarang pagsusuri sa seguridad upang matugunan ang kahinaan sa intelligence framework ng Pilipinas.

“Kailangan nating i-modernize ang ating counterintelligence. Hindi lang sa pisikal na pagbabantay ito—kailangan natin ng mas epektibong cyber-defense, mas maayos na intelligence-sharing, at mas mataas na antas ng seguridad sa ating mga military at government offices,” giit pa ni Khonghun.

Ipinahayag din niya ang pag-aalala sa maaaring pakikialam ng dayuhan sa electoral process ng bansa.

“Mas delikado kung ang paniniktik ay nauuwi sa impluwensya sa eleksyon. Dapat nating tukuyin kung may mga kandidato na maaaring nagsisilbi sa dayuhang interes at siguruhing hindi sila makakuha ng posisyon sa gobyerno,” babala ni Khonghun.

Binigyang-diin kamakailan ng National Security Council ang posibleng pakikialam ng mga dayuhan sa halalan ng 2025 sa pamamagitan ng cyberattacks, pagpapakalat ng maling impormasyon at pinansyal na suporta sa mga kandidatong may kaugnayan sa dayuhang interes.

“Kung may mga pulitikong hindi para sa interes ng bayan kundi para sa ibang bansa, dapat silang ibunyag at panagutin. Hindi tayo pwedeng magpabaya,” dagdag pa ni Khongun.

Nanawagan si Khonghun sa Commission on Elections (Comelec) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na bumuo at magpatupad ng epektibong mga mekanismo upang matukoy at mapigilan ang panghihimasok ng mga dayuhan.

“Ang demokrasya natin ay para sa Pilipino. Dapat tiyakin natin na walang puwang ang dayuhang pakikialam sa ating halalan,” diin pa ni Khonghun.

Hinikayat din ni Khonghun ang publiko na maging mapagmatyag at iulat ang anumang kahina-hinalang gawain ng mga dayuhan na maaaring sumabotahe sa bansa.

“Hindi lang ito trabaho ng gobyerno. Ang seguridad ng bansa responsibilidad nating lahat. Kapag may kahina-hinalang kilos, dapat ipagbigay-alam agad. Hindi natin puwedeng hayaang mapasok tayo nang basta-basta,” aniya.

Binigyang-diin ni Khonghun na ang pagpapabaya sa patuloy na operasyon ng pang-eespiya ng mga dayuhan ay mapanganib.

“Hindi tayo laruan ng ibang bansa. Kailangang ipakita natin na may pangil tayo, na kaya nating ipagtanggol ang ating sarili,” saad pa ni Khonghun. “Walang lugar sa Pilipinas para sa mga nais manggulo o manmanan tayo.”