Sibak

Balik-pwesto na sinibak na PNP-AKG director

Alfred Dalizon Mar 3, 2025
18 Views

INIUTOS noong Lunes ng Philippine National Police (PNP) na ibalik sa puwesto si Colonel Elmer Ragay, ang sinibak noong Sabado na director ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG).

Dahil sa nullification order ng PNP Directorate for Personnel and Records Management ang pagbabalik-pwesto ng colonel.

“There is an issue on the issuance of relief order by the PNP-DPRM on Col. Ragay and that it should first have the clearance of the Comelec,” sinabi ng source na ayaw magpakilala.

Dagdag pa niya, ang PNP-DPRM ang magpapaliwanag ng mga dahilan kung bakit na-isyu ang nullification order na nagpabalik kay Col. Ragay sa kanyang puwesto

Bago ito, iniutos ni PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil, ang administrative relief ng PNP-AKG director matapos lumabas ang mga negatibong ulat sa media at viral na talakayan na kinukuwestiyon sa legalidad ng rescue operation na kinasasangkutan ng isang 14-anyos na estudyante.

Ayon kay Gen. Marbil, matagumpay na na-recover ang bata, ngunit mahalagang magkaroon ng masusing pagrepaso sa insidente upang tugunan ang mga pangamba ng publiko at tiyakin ang transparency sa operasyon ng PNP.

Tiniyak ng PNP chief sa publiko na magiging masinsinan at patas ang gagawing imbestigasyon at pananagutin ang sinumang mapapatunayang may pagkukulang, habang pinangangalagaan ang integridad ng mga lehitimong operasyon ng pulisya.

Bandang 10 p.m. ng Martes noong isang linggo, natagpuan ng mga ahente ng PNP-AKG ang 14-anyos na estudyante na iniwan ng kanyang mga kidnappers sa Macapagal Avenue, sa Parañaque City.

Ang bata, na kinilala lamang sa alyas na Andi, nasa piling na ngayon ng kanyang pamilya matapos na gamutin sa ospital.

“This rescue is a testament to our police force’s dedication to protecting all individuals within our borders. We will not allow criminal elements to instill fear in our communities,” sabi ng PNP chief.

Iginiit ni PNP Public Information Office chief, Col. Randulf T. Tuaño na walang binayad na $20 milyon ransom ang pamilya ng biktima sa mga kidnappers

Pinutol ng mga kidnappers ang dulo ng small finger sa kanang kamay ng biktima at pinadala ang karumal-dumal na video sa kanyang magulang para iparating ang kanilang mensahe na handa silang patayin ang bata kung hindi ibibigay ang kanilang ransom demand.

Ang family driver ng pamilya ay natagpuang patay sa loob ng van na kanyang minamaneho.

Ayon kay Department of Interior and Local Government Secretary Juanito Victor Remulla, ang ama ng biktima at ang leader ng mga kidnappers pawang dating POGO operators na namayagpag noong Duterte administration.