Roque

Hindi kami salesman–Malakanyang kay Roque

Chona Yu Mar 3, 2025
15 Views

SINUPALPAL ng Malakanyang si dating Presidential spokesman Harry Roque sa pagsasabing mahirap maging messenger ng gobyerno at maging salesman lalo na kung bulok ang produkto o taong inilalako.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, hindi sila mga salesman kundi messenger.

Sinabi pa ni Castro na bilang messenger, ang kanilang tungkulin ipaalam sa publiko kung ano ang maaaring makuha at maitulong ng gobyerno sa mamamayan.

“Hindi po kami salesman dito. Kami po ay messenger,” pahayag ni Castro.

“Hindi po kami nagbebenta ng pangulo o ng gobyerno.

Pinapakita lamang po namin at inilalahad namin kung ano ang maaaring makuha ng taumbayan sa ating gobyerno, kung anong puwedeng itulong ng ating gobyerno sa taumbayan,” pahayag ni Castro.

Sinigundahan ni Castro ang sinabi ni Roque na mahirap talagang ibenta ang isang tao kung ito ay bulok o may negatibong reputasyon.

Dagdag pa niya, lalong nagiging mahirap ang trabaho ng isang tagapagsalita kung kailangang linisin o palusutin ang mga pahayag ng isang opisyal — lalo na kung ang madalas na sinasabi nito na joke lang.

Sinabi pa ni Castro na kahit gaano pa kagaling ang isang salesman, kung hindi maganda ang produktong ibinebenta, mahirap itong ipanalo sa publiko.

“Mahirap po talagang ibenta kapag ang ibinibenta mo ay kailangan mo pang linisin ang mga sinasabi. Mahirap ibenta ang mga tao na ang laging nababanggit joke lamang iyan,” dagdag ni Castro.