Rep. Khonghun

Rep. Khonghun sinilip pananahimik ng senatorial bets sa isyu ng Chinese espionage

Mar Rodriguez Mar 3, 2025
26 Views

KINUWESTYON ni House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales ang pananahimik ng ilang senatorial candidates sa gitna ng lumalaking banta ng Chinese espionage, kasunod ng pagkakaaresto sa mga Chinese spies na nagmamanman sa mga pasilidad ng gobyerno at kampo ng pulis at militar.

Iginiit ni Khonghun, pinuno ng House Special Committee on Bases Conversion, na ang pambansang seguridad ay dapat na pangunahing prayoridad ng sinumang nag-aambisyong maging senador, lalo na’t may lumalakas na ebidensya ng pag-iispiya sa bansa.

“Napakalaking isyu ng pambansang seguridad, pero bakit tila walang gustong magsalita? Ang Senado ang may tungkulin sa paggawa ng mga batas na magpapalakas sa ating depensa. Dapat marinig natin kung ano ang plano nila para sa ating kaligtasan,” ani Khonghun.

Kamakailan, natukoy ng mga otoridad ang hinihinalang grupong espiya na nag-ooperate sa bansa. Natuklasan ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga pagmamanman sa mga sensitibong lokasyon, kabilang ang Malacañang, headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at compound ng Philippine National Police (PNP).

Kabilang sa mga naaresto ang dalawang Chinese na natagpuang may dalang makabagong surveillance equipment na kayang makasagap ng mobile communications.

Noong Enero, isang grupo ng mga Chinese national ang nahuling minamanmanan ang mga operasyon ng Philippine Coast Guard at Navy sa Palawan.

Natuklasan ng mga imbestigador ang mga high-resolution na solar-powered camera na nakapuwesto malapit sa maritime security areas, na patunay ng sistematkong paniniktik tungkol sa depensa ng bansa sa West Philippine Sea.

Hinimok ni Khonghun si Defense Secretary Gibo Teodoro na palakasin ang counterintelligence at koordinasyon ng mga ahensyang pangseguridad. Aniya, ang patuloy na pagpasok ng mga dayuhang espiya ay dapat magsilbing babala sa mga mambabatas.

“Hindi natin pwedeng ipagwalang-bahala ang ganitong mga insidente. Kung patuloy natin itong babalewalain, paano natin maipagtatanggol ang ating bansa?” Dagdag pa ng mambabatas.

Bukod sa mga usaping pangdepensa, binigyang-diin din ni Khonghun ang posibilidad ng panghihimasok ng dayuhan sa darating na halalan sa 2025.

Dahil ginagamit na ang mga cyberattack at disinformation campaign bilang sandata ng geopolitical influence, nanawagan ang kongresista sa Commission on Elections (Comelec) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na palakasin ang seguridad upang mapigilan ang anumang dayuhang pakikialam sa proseso ng halalan.

Babala pa ni Khonghun na hindi lang sa pangangalap ng impormasyon maaaring mauwi ang mga espiya, kundi pati sa pagtatangkang impluwensyahan ang pulitika ng bansa. Binanggit niya ang posibilidad ng mga kandidatong may suportang dayuhan o ang cybermanipulation ng resulta ng eleksyon, kaya’t nanawagan siya sa publiko na maging mapagmatyag laban sa posibleng pakikialam ng mga dayuhan.

“The Filipino people must be watchful. Hindi lang ito usapin ng depensa – maaari rin itong gamitin para baguhin ang resulta ng ating halalan. Hindi natin dapat hayaang maimpluwensiyahan ng dayuhan ang ating demokrasya,” ani Khonghun.

Hinimok niya ang mga botante na maging mapanuri, dahil mahalaga ang pambansang seguridad sa pagpili ng mga senador. Iginiit niya na dapat malinaw ang paninindigan ng mga kandidato sa soberanya at seguridad ng Pilipinas.

“Those who wish to serve in the Senate must prove they have the resolve to protect our country. Silence is not an option,” aniya.

Nanawagan si Khonghun sa mga kandidato na magsalita at ipahayag ang kanilang paninindigan sa mga banta ng dayuhan sa seguridad ng bansa, iginiit niyang hindi dapat balewalain ang pambansang depensa sa darating na halalan.

“We need leaders who will stand up for the country. Ngayon ang panahon para ipakita nila na kaya nilang ipaglaban ang Pilipinas,” dagdag pa ni Khonghun.